Nation

MGA KASO NG HAZING TUTUKAN — SOLON

/ 3 November 2021

DISMAYADO si Bagong Henerasyon Partylist Rep. Bernadette Herrera-Dy sa kabiguan ng pamilya ng mga namatay sa hazing sa iba’t ibang gang, fraternity at academic institutions na makamit ang hustisya.

Ito ay sa gitna ng desisyon ng Korte Suprema sa hazing case ng biktimang si John Daniel Samparada.

Sa desisyon ng Kataaas-taasang Hukuman, iginiit na hindi napatunayan ng prosekusyon na fraternity recruit si Samparada at dumaan sa hazing rites.

“Namatay si John Daniel Samparada pero hindi nagawang maging ‘beyond reasonable doubt’ ang habla  dahil nagkulang ang prosekusyon sa kaso nito laban sa mga akusado,” pahayag ng kongresista.

“Konsuelo ko na lamang at marahil pati na rin ng pamilya ni Samparada na matagal nakulong ang mga akusado dahil sa bagal ng pag-usad ng kaso mula 2009 hanggang ngayong 2021,” dagdag pa ng mambabatas.

Aminado ang lady solon, isa sa author ng bagong Anti-Hazing Law,  na marami pang kailangang gawin upang matiyak na mapananagot ang mga taong nasa likod ng hazing rites na ikinamamatay ng kanilang mga biktima.

Sinabi ni Herrera-Dy na dapat bantayan ang imbestigasyon, preliminary hearings maging sa regional trial court hanggang sa umakyat sa Korte Suprema ang kaso.

Ipinaalala pa ng solon na marami pang kaso ng hazing ang hindi pa rin nakakamtan ang hustisya, kabilang ang kaso nina George Karl Magsayo ng Philippine National Police Academy; Jonash Bondoc ng Philippine Mechant Marine Academy; Darwin Dormitorio ng Philippine Military Academy; Horacio Castillo ng Aegis Juris at iba pa mula 1950s hanggang sa kasalukuyang dekada.

“Makamtan nawa nila ang katahimikan at katarungan, kasabay ang paggawa natin ng mga kongkretong hakbang upang matigil na ang karahasan,” anang kongresista.

Sinabi pa ni Herrera-Dy na magpapadala na siya ng sulat sa Department of Justice, sa SC Court Administrator, sa National Bureau of Investigation at sa Philippine National Police para alamin ang status ng iba pang kaso na may kinalaman sa hazing.

“Perhaps, a review of these hazing cases will help ensure justice is attained for the victims’ families, while there is still time to correct any mistakes made during investigation and during case build-up,” dagdag ng mambabatas.