MGA KABATAANG LUMAD NAMAHAGI NG COLORING BOOKS SA MARIKINA
ILANG mga kabataang Lumad ang namahagi ng Lumad Coloring Books sa Malanday, Marikina.
Ito ay kasabay ng pagdiriwang ng World Children’s Day kung saan ang mga coloring books ay mula sa Liyang Network at Sabokahan.
“Kasabay ng pandaigdigang araw ng mga bata, sumama ang mga kabataang Lumad sa relief distribution sa pangunguna ng Task Force Children of the Storm sa komunidad ng Malanday, Marikina para ibahagi rin ang mga Lumad Coloring Books,” pahayag ng Save Our Schools Network, isang grupo na nangangalaga sa proteksyon ng mga bata.
Kasama rin sa coloring books ang liham para sa mga batang biktima ng bagyong Ulysses.
Ayon sa kanila, kasunod ng pagpapasara sa mga Lumad school ay determinado sila na tumulong upang maipakita ang pagkakaisa.
“Hindi kaila na ang dinaranas ng mga bata sa kalunsuran sa hagupit ng bagyo ay dinaranas din ng mga kabataang Lumad sa kanayunan sa pamamagitan ng walang habas na pagpapasara ng mga paaralan, trumped-up charges sa mga guro at magulang at iba pang porma ng paglabag sa karapatan pantao. Kaya ganito na lamang kadeterminadong tumulong ang mga batang Lumad kahit sa kunting paraan ay maipakita ang pagkakaisa ng mga bata,” ayon pa sa grupo.
Dagdag pa ng grupo, ang kailangan ng kabataan at ng bansa ay ang pagtugon ng gobyerno sa pandemya at hindi pamamasista.