MGA ISYU SA PAGSASALIN TINUGUNAN SA INT’L MOTHER LANGUAGE CONF
BACK-TO-BACK sessions tungkol sa teknikal at pampanitikang pagsasalin mula dayuhan tungong wikang Filipino ang matutunghayan sa 2021 International Mother Language Conference and Festival, hatid ng 170+ Talaytayan MLE, Inc. at ng The Philippine Online Student Tambayan.
Nagsimula na nitong Biyernes, Pebrero 26, ang unang diskusyon hinggil sa pagsasalin na pinamunuan ng retiradong direktor ng Komisyon sa Wikang Filipino na si Dr. Aurora Batnag.
Inilatag niya ang suliranin sa pagpili ng mga tumbasang salita sa pamamagitan ng analisis sa mga noong opisyal na ngalan ng KWF – Institute of National Kanguage, Surian ng Wikang Pambansa, Institute of Philippine Languages, at Linangan ng mga Wika sa Pilipinas.
Ayon kay Batnag, kung sisipatin ay wala namang pinagkaiba ang mga terminong ‘institusyon’, ‘surian’, at ‘linangan’ sapagkat iisa lamang ang nais nitong ihatid na kahulugan. Sa kabila nito, mayroon pa ring mahahalagang dahilan kung bakit kailangang matukoy ang pinakaangkop na salitang kakatawan sa marangal na layunin ng ganang opisina.
Kasunod niyang winika na hindi biro ang gawaing pagsasalin dahil palagian itong kumakawing sa konteksto ng mga salita, magkagayo’y pinaalalahanan niya ang mga dumalong guro, mag- aaral, at tagasalin na huwag mapapagal sa pagbabasa at pagrerebisa para makapaghatid ng ‘di nakalilitong mensahe sa mga mambabasa.
Sumentro ang sesyon sa pagharap sa pagsasaling kultural kaugnay ng tekstong pampanitikan: (1) pag-angkin sa orihinal na teksto at (2) pagpapatikim ng linamnam ng orihinal. Sa una, iniaangkop ang salin sa kultura ng tunguhang lenggwahe kaya ang salin ay gumagamit ng lokal na kulay. Sa pangalawa, ipinakikilala sa salin ang mga katawagang kabuhol ng kultura ng orihinal. Magkataliwas na pamamaraan, aniya, ngunit kapwa posible depende sa layon ng pagsasalin.
Ang karugtong naman nitong talakayan, na dadalhin ni Dr. Raquel Sison-Buban, Tagapangulo ng Departamento ng Filipino sa Pamantasang De La Salle, ay nakaiskedyul sa Marso 5.
Papamagatang ‘Paano nga bang Magsalin?: Ilang Prinsipyo at Perspektiba Bilang Gabay sa Pagsasalin’ ang panayam na tutugon sa mga nabimbing katanungan ukol sa tungkulin ng manunulat, mambabasa, at tagasalin bilang tulay, manlilikha, at negosyador ng mga kahulugang tinutumbasan.
Bibigyang-halaga pa sa Marso 5 ang ilang pinakamahuhusay na akdang salin na puwedeng gawing batayan o inspirasyon ng mga nagnanais ng maglimbag ng gawang salin sa iba’t ibang akademikong larang.
Bukod kina Batnag at Sison-Buban, higit 40 panel presentations pa ang inaabangan ng mga kalahok sa kumperensiyang hatid ng Talaytayan at ng The POST, kasama ang University of Fukui, University of the Philippines Mindanao, Philippine Normal University, University of Santo Tomas Graduate School, Nakem Conferences, Agusan del Sur State College of Agriculture and Technology, Benguet State University, Lyceum of the Philippines University, Magbikol Kita, at Mariano Marcos State University for Iloko and Amianan Studies.