Nation

MGA ISKUL PINAGAGAWANG QUARANTINE FACILITY

/ 28 March 2021

DAHIL sa kakulangan ng quarantine facilities bunsod ng tumataas na kaso ng Covid19, ipinakokonsidera ni Senador Richard Gordon sa Inter-Agency Task Force ang paggamit sa ilang paaralan bilang isa sa mga pasilidad.

Ayon kay Gordon, maaaring gamitin ang mga paaralan na malapit sa mga pagamutan lalo pa’t hindi pa nagsasagawa ng face-to-face classes.

“Ang isa-suggest ko gamitin ang mga eskuwelahan na malapit sa mga ospital,” pahayag ni Gordon sa panayam ng DWIZ.

Ang tugon ni Gordon ay makaraang mapaulat na nasa full capacity na ang ilang pagamutan na tumatanggap ng Covid19 cases.

Sinabi ni Gordon na sa sitwasyon ngayon ng bansa, kailangan ng pagtutulungan ng bawat isa at dapat na pag-ibayuhin pa ang pagsasagawa ng testing upang agad na maibukod ang mga nagpopositibo sa virus.

“Dapat may polisiya na matutulungan natin ang hirap na hirap na tao ngayon. Mga nila-lockdown, may pambili man hindi makalabas. Pangalawa, tuloy-tuloy na testing dapat,” diin ni Gordon.

Samantala, kinumpirma ni Gordon na sa ngayon ay nasa P822.86 million na ang utang ng Philhealth sa Philippine Red Cross dahil sa mass testing.

Gayunman, nilinaw ni Gordon na hindi pa naman nila balak itigil ang testing subalit nakikiusap sa gobyerno na tulungan din sila upang magtuloy-tuloy ang kanilang operasyon.