Nation

MGA ISKUL DAPAT NANG MAGSAGAWA NG F2F CLASSES —LAWMAKER

/ 19 March 2022

NANAWAGAN si Senate Committee on Basic Education, Arts and Culture chairman Win Gatchalian sa lahat ng paaralan na magsagawa na ng limitadong face-to-face classes upang makatulong sa pagbangon ng ekonomiya.

Partikular ito sa 48 lugar, kabilang na ang Metro Manila, na isinaialim sa Alert Level 1.

Sa pag-aaral ng National Economic and Development Authority, kung maibabalik na ang face-to-face classes ay magdudulot ito ng dagdag na P12 bilyon sa ekonomiya.

Ito ay dahil sa pagbabalik at muling pagbubukas ng mga serbisyo at mga negosyo tulad ng transportasyon, mga dormitoryo, mga food stall, at ang pagbebenta ng school materials.

Sa pag-aaral naman ng Asian Development Bank, nasa P225 bilyon ang nawala sa ekonomiya sa isang school year na walang in-person classes.

“Sa gitna ng patuloy na pagbuti ng ating sitwasyon, hindi na rin natin dapat patagalin pa ang pagbubukas ng lahat ng mga paaralan. Para sa mga magulang na halos dalawang taong tinutukan ang kanilang mga anak sa distance learning, pagkakataon na ito upang makapaghanapbuhay muli,” pahayag ni Gatchalian.

Ipinaalala ng senador na dahil sa pagsasara ng mga paaralan, tumaas ang dropout rate at bumaba ang antas ng pagkatuto.