Nation

MGA ISKOLAR NG SUCs OOBLIGAHING MAGSILBI SA GOBYERNO

/ 1 November 2020

ISINUSULONG ni Bulacan 1st District Rep. Jose Antonio Sy-Alvarado ang panukala na mag-oobliga sa mga estudyante sa State Universities and Colleges na nakatatanggap ng full scholarship na magserbisyo sa gobyerno ng isang taon matapos ang graduation.

Sa kanyang House Bill 1328 o ang proposed Mandatory Return Service Law, sinabi ni Sy-Alvarado na dapat maituro sa kabataan ang kahalagahan ng serbisyo publiko bukod sa pagmamahal sa bansa.

Ipinaliwanag ng kongresista na kinikilala ng estado ang mahalagang partisipasyon ng kabataan sa nation building at promosyon ng patriotism at nationalism subalit dapat ding malaman ng mga ito na mayroon din silang karapatan at tungkulin para sa bansa.

“We must encourage the youth to be part of public service not only to compensate what the State had given them but to bolster their sense of patriotism. By this method, we can balance the lack of interest of the young generation in the active participation in public and civic affairs,” pahayag ng mambabatas sa kanyang explanatory note.

Alinsunod sa panukala, ang lahat ng mga estudyante sa SUCs na may full scholarship ay obligadong magsilbi sa gobyerno sa loob ng isang taon matapos maka-graduate bago payagan na makapagtrabaho sa ibang kompanya.

“The State will have an assurance that the student who graduated from such scholarship program will be a part of the workforce of the State for the development of the Republic of the Philippines,” diin pa ng kongresista sa panukala.

Batay sa panukala, mandato ng Commission on Higher Education ang pagbalangkas ng implementing rules and regulations para sa return service program.

Ang panukala ay nasa pag-aaral na ngayon ng binuong Technical Working Group ng House Committee on Higher and Technical Education.