Nation

MGA INANG MALABONIAN ‘E-NANAYS’ NA

/ 13 November 2020

NGAYONG panahon ng ‘new normal’, hindi lang mga mag-aaral ang dapat na natututo ng mga bagong kasanayan — ang mga nanay rin.

Kung noon, ang mga nanay ay kilala lamang sa pagluluto, pag-aalaga ng mga anak, paghatid at pagsundo sa mga pumapasok sa eskwela, tagadisiplina ng makukulit na mga bata, at bilang ilaw ng tahanan, ngayon, sila’y guro na rin.

Partikular sa lungsod ng Malabon, ang mga nanay ay kinikilala bilang ‘super moms’ at ‘e-nanays’.

E-nanays ang ngalan ng tutorial project ng Malabon ngayong panahon ng pandemya, sa pangunguna ni Mayor Len-Len Oreta.

Ayon kay Oreta, ngayong ‘new normal’ ay nadagdagan ang inaasahang gampanin ng mga nanay kung saan dahil sa Covid19 ay magiging guro na rin sila ng mga anak. Pero, paano nila epektibong gagabayan ang pag-aaral ng mga bata kung sila mismo’y walang sapat na kasanayan tungkol sa kompyuter, halimbawa?

Ito ang dahilan kung bakit ang E-nanay Project ay nakatuon sa pagtuturo sa mga Inang Malabonian kung paano gamitin at modipikahin ang pangunahing mga gadget at software applications na ginagamit ng mga estudyante sa online classes.

Sa tulong ng City of Malabon University, ang mga nanay ay sinanay sa loob ng 10 araw kung paano gumamit ng Microsoft programs gaya ng Word, Excel, at Powerpoint. Gayundin, sila’y tinulungang gumawa ng mga Google account, dumalo sa virtual Zoom at Google Meet meetings, pati magrekord at mag-edit ng mga simpleng litrato at bidyo.

“Moms are also the heroes of this pandemic as they have multiple roles. So, it is just appropriate and timely to give back to them by equipping them with the necessary skills to survive the digital shift in education,” sabi ni Oreta sa project launching.

‘Women empowerment’ ang isa sa mga positibong hatid ng programa, wika ni CMU College of Teacher Education Assistant Dean Luisa Tongco, dahil hindi na ‘clueless’ ang mga ina sa kung ano ang ginagawa ng mga anak nila sa tuwing nakababad sa kompyuter.

“We are so happy with the response of the nanays. It is truly heartwarming to see them learn new skills. When we taught them how to use PowerPoint, it was really an eye-opener for them. They now feel empowered and ready to help their children,” sabi ni Tongco sa isang pahayag.

Ang E-nanay Project ng Malabon ang kauna-unahang local government unit project sa bansa na may ganitong tipo.