MGA HEI BIGYAN NG RECOVERY ASSISTANCE PACKAGE – SOLON
SA GITNA ng pagbangon ng bansa mula sa Covid19 pandemic, isinusulong ni House Committee on Higher and Technical Education chairman Mark Go ang pagkakaloob ng Recovery Assistance Package sa Higher Educational Institutions upang matiyak na tuloy-tuloy ang pagbibigay ng dekalidad na tertiary education.
Sa pagsusulong ng House Bill 6706 o ang proposed Recovery Assistance Package for Higher Education and Technical-Vocational Education and Training Act of 2020, sinabi ni Go na dahil sa pandemya ay posibleng mabalewala ang pagsisikap para iangat ang standards ng higher and technical-vocational education.
“Even with the lifting of the nationwide Enhanced Community Quarantine, it has become more evident that a complete return to how it was before the pandemic is impossible, at least in the near foreseeable future,” pahayag ni Go sa kanyang explanatory note.
“It is thus incumbent upon the government to intervene and uphold quality and accessible higher and technical-vocational education and training for every Filipino, even in the midst of a global pandemic,” dagdag pa ng kongresista.
Ipinaliwanag ni Go na layon ng Recovery Assistance Package na tiyakin na anumang pagbabago sa sistema ng pagtuturo sa mga pampubliko at pribadong HEIs at TVIs ay hindi nagresulta sa mababang kalidad ng edukasyon.
Kasama sa package ang upgrading at rehabilitation ng Information Technology/internet system at infrastructure para sa online connectivity, kabilang na ang installation ng learning management system sa State Universities and Colleges, Local Universities and Colleges at TESDA Technology Institutions para sa implementasyon ng flexible learning system.
Nakasaad sa panukala ang paglalaan ng P1.070 billion para sa mga SUC at LUC habang P260 million para sa pag-upgrade ng TESDA Mission Critical Information System at P241 million sa upgrading ng ICT sa TESDA Technology Institutions.
Maglalaan din ng P244 million para sa trainings sa distance/flexible learning system sa lahat ng teaching personnel sa HEIs at TVIs.
Alinsunod pa sa panukala, maglalaan ng pondong aabot sa P2.46 bilyon para mga public at private HEIs na gagamitin sa financial assistance at subsidy sa mga teaching at non-teaching personnel, trainer at assessor.
Aabot naman sa P17 bilyon ang ilalaan para sa zero percent loans at subsidies sa mga estudyante at guro para sa pagbili ng computers, laptops at iba pang gadgets.
Sa ilalim pa ng panukala, bubuo ang Commission on Higher Education at Technical Education and Skills Development Authority ng flexible/bundled learning system para sa digital at non-digital technology at iba pang open distance learning modalities sa harap ng ‘new normal’.