Nation

MGA GURONG NANDAYA NG CREDENTIALS DAPAT PARUSAHAN — TDC

IGINIIT ng isang teachers' group na dapat parusahan ang mga gurong nandadaya ng kanilang credentials.

/ 30 January 2021

IGINIIT ng isang teachers’ group na dapat parusahan ang mga gurong nandadaya ng kanilang credentials.

“Hindi po natin ito kukunsintihin, ang sinumang DepEd official o teacher na mapapatunayang nandaya sa kanilang credentials ay dapat parusahan,” pahayag ni Teachers’ Dignity Coalition National Chairperson Benjo Basas.

Subalit ayon kay Basas ay dapat ayusin ng Department of Education ang kanilang promotion system.

“Pero higit sa paghahabol sa mga sinasabing ‘nandadaya’ ay mas dapat ayusin ng DepEd ang kanyang merit and promotion system,” sabi ni Basas.

Hiling ng grupo na sana ay makita rin ng DepEd ang paghihirap ng mga guro kung kaya  wala na silang pagkakataon na makakuha ng promosyon.

“Yaong mga guro na talagang subsob sa kanilang araw-araw na pagtuturo, pinaghuhusay ang kanilang trabaho at iniaalay ang sarili sa piniling bokasyon ay walang pagkakataon upang makakuha ng promotion. Sana ay makita rin ng DepEd kung paano ba natin itinutulak sa ganitong ‘short-cut’ na gawain ang ilan sa ating mga teacher.”

“Bigyan sana natin ng oportunidad para magkaroon ng professional development ang ating mga guro na hindi sila bibitaw sa kanilang sinumpaang tungkulin at hindi malalagay sa napakahirap na sitwasyon para lamang ma-promote,” dagdag pa niya.

Ang pahayag ng TDC ay may kaugnayan sa special report ng The POST na maraming mga guro ang bumibili na lamang ng research papers para sa kanilang promosyon.

Ang nasabing ulat ay pinaimbestigahan na mismo ng pamunuan ng DepEd.