Nation

MGA GURONG MAGSISILBI SA 2022 POLLS DAPAT BAKUNADO — COMELEC

/ 20 August 2021

HINIKAYAT ng Commission on Elections ang mga guro na tangkilikin na ang Covid19 vaccination program ng gobyerno.

Ito, ayon kay Comelec Spokesperson James Jimenez, ay dahil nais nilang ang mga gurong magsisilbi bilang miyembro ng Board of Elections Inspectors sa 2022 election ay mga bakunado o fully vaccinated.

“Isa ‘yan sa mga gusto nating mangyari na ang lahat ng teacher eh bakunado bago sila mag-serve as Board of Election Inspectors,” pahayag ni Jimenez.

Sinabi ni Jimenez na sa ngayon ay nakikipag-usap na ang Comelec sa Department of Education hinggil sa mga gurong magsisilbi bilang BEIs sa halalan.

Naghahanda na rin ang Comelec ng budget proposal sa Kongreso para sa eleksiyon at kasama rito ang pondo na ilalaan para sa  BEIs.

“‘Yan ang pinag-uusapan with DepEd ngayon, kasi may budget considerations diyan and naghahanda na kami ngayon para sa budget proposal natin sa Kongreso,” dagdag pa ni Jimenez.

Una nang nagdesisyon ang Comelec En banc na huwag nang palawigin pa ang voter registration at sa halip ay pinahaba na lamang ang registration hours habang isinama na rin ang araw ng Sabado at holidays para makapagparehistro ang publiko sa mga lugar na hindi nasa ilalim ng enhanced community quarantine.

Nakatakdang magtapos ang voter registration sa Setyembre 30, 2021.