Nation

MGA GURO ‘WAG PABAYAAN SA COVID19 VACCINE — SOLON

/ 17 February 2021

MULING nanawagan si ACT Teachers Party-list Rep. France Castro kay Pangulong Rodrigo Duterte na tiyaking nasa prayoridad ang mga guro at educationl support personnel sa vaccination program laban sa Covi19.

“Bilang Kinatawan ng mga guro at lumalaban para sa karapatan sa edukasyon, nananawagan kami sa administrasyong Duterte na i-ensure na ang ating education frontliners tulad ng mga guro at education support personnel ay maging priority sa ating vaccination plan,” pahayag ni Castro sa kanyang privilege speech sa sesyon ng Kamara.

“Kung lalong tatagal ang pagsasara ng paaralan at walang face-to-face classes, mas lalong malulugmok sa krisis ang ating edukasyon, lalong tataas ang bilang ng drop-outs at out-of-school youth,” diin ni Castro.

Ipinaliwanag ng mambabatas na hindi lahat ay kayang sumabay sa blended learning, mas nalilimitahan ang access sa dekalidad na edukasyon na nagresulta sa kapabayaan ng gobyerno na matiyak na ang karapatan sa edukasyon ay nagtatamasa ng lahat.

“Hindi na dapat dinadagdagan ng gobyerno  ang kapabayaan nila mula sa pagkontrol ng Covid, contact tracing, testing hanggang sa pagbabakuna,” sabi ni Castro.

Iginiit ng kongresista na isa sa mga hakbang para magkaroon ng equal access sa kalidad na edukasyon ay ang pagbibigay prayoridad sa mga guro at education support personnel sa vaccination plan bukod sa paglalaan ng sapat na pasilidad tulad ng handwashing o sanitation; pagpapababa ng class size; paglalaan ng sapat na pondo, gadgets at modules at iba pang pangangailangan.

“Kahit sa WHO standards, kasama ang mga guro at education support personnel sa mga dapat prayoridad ng bakuna. Kailangan na kailangan na po ng bakuna ng ating mga guro at education support personnel para magkaroon na ng ligtas na pagbubukas ng paaralan at makabalik na sa mas epektibong paraan ng pagtuturo: face-to-face classes,” ayon pa kay Castro.

Kasabay nito, muling kinuwestiyon ng kongresista ang plano ng Department of Education sa susunod na academic year.

“Halos apat na buwan na lamang ang natitira sa School Year 2020-2021 ngunit wala pa ring malinaw at konkretong plano ang Department of Education at ang ating gobyerno kung paano na naman maitatawid ang susunod na School Year na hindi nakokompromiso ang karapatan sa edukasyon at ang kalidad nito kahit tayo ay nasa gitna pa rin ng pandemya,” dagdag ni Castro.