MGA GURO UMAPELA SA DEPED PARA MAKAPAGPAHINGA, VIRTUAL TRAINING INALMAHAN
Mariing tinutulan ng Teachers’ Dignity Coalition ang isasagawang virtual in-service training ng Department of Education simula ngayong araw, Agosto 30, hanggang sa Setyembre 3 bilang paghahanda sa nalalapit na pagbubukas ng taong pampaaralan sa Setyembre 13.
“Bago pa man ang June 1, 2020 ay marami nang trabahong ginagawa ang mga guro. Nagpatuloy ito hanggang magbukas ang klase noong Oktubre 5 hanggang sa pagtatapos nito noong Hulyo 12. Ibig sabihin ay hindi po nabigyan ng sapat na oras para makapagpahinga ang mga guro alinsunod sa sinasabi ng batas,” pahayag ni Olivia De Guzman, national vice chairperson ng grupo.
Alinsunod sa memorandum na inilabas ng DepEd at pirmado ng tatlong undersecretaries na sina Diosdado San Antonio, Revsee Escobedo at Alain Pascua, magkakaroon ng maghapong virtual seminar ang mga guro sa loob ng isang linggo. Ito umano ay bilang pagsasanay sa mga paksang may kinalaman sa paggamit ng teknolohiya, partikular ang internet, sa pagtuturo ng mga guro ngayong distance learning ang sistemang ginagamit sa mga paaralan.
Ayon pa kay De Guzman, tila hindi nalalaman ng DepEd ang kalagayan ng mga guro dahil sa halip na tugunan ang mga pangangailangan ay puro umano mga webinar ang ipinagagawa sa mga guro sa lahat ng antas.
“May mga webinar sa school, sa district at sa division level. Inaalam ba ng DepEd kung nakakatulong ang mga ito para maging mas produktibo ang mga guro? Nakakapagpataas ba ito sa antas ng kalidad ng pagtututo?” tanong ni De Guzman.
Iginiit ng grupo na bago sana obligahin ng DepEd ang mga guro sa ganitong aktibidad ay tiyakin muna ng ahensiya ang obligasyon nito sa mga guro.
“Inoobliga kami ng DepEd sa virtual seminars at iba pang online actvities, pero ang obligasyon nilang bigyan ng libreng laptio at internet acces ang mga guro ay hindi nila ginagampanan,” pagpapatuloy ni De Guznan.
Nais umano ng TDC na makausap ang pamunan ng DepEd upang matalakay ang mga usaping ito subalit hindi sila napagbibigyan.
“Kung magiging bukas lamang sa usapan at makikinig ang DepEd sa kanyang mga guro, madali sanang maikonsidera ang aming kalagayan, karanasan, sentimyento at opinyon sa mga polisiya at programang isinasagawa nila. Pero hindi namin alam kung kanino sila nakikinig o kumokonsulta,” dagdag ni De Guzman.
Magsisimula ngayon, Agosto 30, ang VINSET ng DepEd, kung saan opisyal na bibigyan ng trabaho ang mga guro sa araw na deklaradong national holiday dahil sa pagdiriwang ng National Heroes’ Day.