Nation

MGA GURO TIYAKING ‘DI MABIKTIMA NG ‘TRIAL BY FACEBOOK’ — SENADOR

UPANG matiyak na hindi mauuwi sa harassment sa mga guro ang mga reklamo laban sa kanila, rerebisahin ng Department of Education ang mga polisiya nito hinggil sa disciplinary procedure at administrative charges laban sa mga educator.

/ 30 October 2020

UPANG matiyak na hindi mauuwi sa harassment sa mga guro ang mga reklamo laban sa kanila, rerebisahin ng Department of Education ang mga polisiya nito hinggil sa disciplinary procedure at administrative charges laban sa mga educator.

Sa pagdinig sa Senado kaugnay sa implementasyon ng Magna Carta for Teachers, inamin ni Undersecretary Jess Mateo na kailangan nilang rebisahin ang kanilang mga polisiya para sa pagpapatupad ng Section 8 at 9 ng batas na may kinalaman sa Safeguards in Disciplinary Procedure at Administrative Charges.

Natalakay sa pagdinig ang reklamo ng ilang grupo na nagagamit para sa harassment sa mga guro ang ilang reklamo ng child abuse, lalo na kung nailalabas ng paaralan ang kopya ng CCTV footages.

Ikinuwento ni Coordinating Council of Private Educational Associations Managing Director Atty. Joseph Noel Estrada na may lumapit sa kanyang pampublikong guro na nakaranas ng harassment dahil nailabas sa media ang video footage ng umano’y pang-aabuso nito sa isang estudyante.

Ipinaalaala ni Estrada na nakasaad sa Magna Carta na ‘no publicity shall be given to any disciplinary action’ na nangangahulugan na kailangang linawin muna sa guro ang reklamo laban sa kanya at bigyan ito ng oportunidad na ipagtanggol ang kanyang sarili.

Sinabi ni Senador Win Gatchalian, chairperson ng Senate Committee on Basic Education, Arts and Culture, na kailangang bumalangkas ang DepEd ng malinaw na patakaran sa pagpapalabas at paggamit ng mga CCTV footage sa mga paaralan.

“We don’t want a situation wherein this type of CCTV videos will be released without any permission because these are considered sensitive tapes,” pahayag ni Gatchalian.

Binigyang-diin din ng senador na dapat tiyakin na hindi mabibiktima ng trial by publicity o trial by Facebook ang mga guro.

“Gagawin natin, i-revisit ang existing guidelines kasama ang konsiderasyon sa Data Privacy Act at Child Protection Act,” sagot naman ni Mateo.

Nangako naman si  Education Undersecretary Tonisito Umali na agad nilang tatapusin ang pagrebisa sa mga polisiya upang matiyak ang maayos na implementasyon nito.

Pag-aaralan din ng DepEd ang rekomendasyon na magkaroon ng pro bono lawyers sa mga guro na nahaharap sa reklamo subalit ipinaalala ni Umali na kailangan din itong balansehin dahil mayroon din silang tungkulin na pangalagaan ang mga bata.