MGA GURO TAGA-SALO NG KAPALPAKAN NG DEPED — TEACHERS’ GROUP
KASUNOD ng pag-anunsiyo ng pag-uurong ng pagbubukas ng klase, sinabi ng isang grupo ng mga guro na mahirap ang maging isang guro sa bansa dahil lahat ng sisi ay napupunta sa kanila.
“Ito ang masakit sa pagiging teacher sa Filipinas, lahat ng pagkukulang ng sistema, lahat ng pagkukulang ng ahensiya ng gobyerno na in charge po rito ang magpupuno po niyan ay yung public school teachers,” sabi ni Teachers’ Dignity Coalition President Benjo Basas sa isang panayam.
Ayon pa Basas, maraming mga guro ang nagso-solicit upang matugunan ang kanilang mga pangangailangan gaya ng mga papel na gagamitin sa modular learning.
Wala naman aniyang magagawa ang ibang division offices dahil lahat ng patakaran ay nanggagaling sa central office.
“All the policies ng Depatrment of Education ay galing po sa central office, sila po ang gumagawa ng policy at ginagawa po ‘yan through memorandum,” dagdag ni Basas.
Binigyang-diin din niya na “nabunutan ng tinik” ang mga guro dahil sa pag-uurong ng klase mula Agosto 24 sa Oktubre 5.
Bagaman may mga kakulangan sa pondo, nilinaw niya na hindi lamang ito ang problema subalit ang mahinang pagtugon ng kagawaran sa problema.
Dagdag pa niya na taliwas ang sinasabi ng DepEd sa sinasabi ng mga guro na sila mismo ang nakararanas.
Nabanggit niya rin na maaaring maubusan ng papel ang bansa dahil sa napakaraming printed modules na kakailanganin para sa pagbubukas ng klase.
Subalit, tingin niya ay kakayanin nang magbukas para sa school year 2020-2021 sa darating na Oktubre 5.
Samantala, sinabi naman ni DepEd Undersecretary Tonisito Umali na hindi lamang ang mga guro, mag-aaral at magulang ang nahihihirapan kundi maging ang kagawaran.
“Talagang nai-stress po ang buong kagawaran ng edukasyon, kasi talagang medyo malaki po talaga ‘yung hamon na magpatuloy ng pag- aaral sa gitna po ng pandemyang ito,” pahayag ni Umali.
Dagdag pa niya, kailangan nilang paghandaang maigi ang new normal education.
“We really need to prepare with how to implement ‘yung tinatawag po naming distance learning modalities.”