Nation

MGA GURO SUSI PARA MAPABABA ANG ‘NAMUNDOK’ NA MGA ESTUDYANTE

/ 2 January 2021

(Pagpapatuloy)

BAGAMAN ang mga guro ang pangunahing pokus ng National Task Force to End End Local Communist Armed Conflict na maging katuwang para hikayating bumaba ang mga dating mag-aaral na namundok at sumama sa New People’s Army-Communist Party of the Philippines, dumulog na rin ang pamahalaan sa mga simbahan at iba pang sektor ng relihiyon.

Sa text message ni NTF ELCAC Spokesperson Lt. Gen. Antonio Paralde Jr. sa The POST, lahat ng pamamaraan ay kanilang ginagawa upang maibalik sa normal ang buhay ng mga kabataan na nahinto sa pag-aaral dahil nalinlang ang mga ito sa itinanim na idelohiya ng NPA-CPP.

Kaya gaya ng paulit-ulit niyang panawagan sa mga kabataan, huwag palinlang.

Malaki ang paniniwala ng pamahalaan na may malaking papel ang Simbahan para magabayan ang kanilang mga deboto at mailayo sa maling paniniwala.

“Naniniwala kaming kaisa namin ang mga simbahan, bishop at pastor na ang nais ay maging mabuti ang buhay ng mamamayan lalo na ang mga kabataan,” ayon kay Parlade.

Sinabi pa ng heneral na malaki ang impluwensiya ng mga pari, pastor at religious sector upang mahikayat ang mga namundok na estudyante na magbalik-loob na.

Isa sa nais na tulong ng pamahalaan mula sa religious sector ay ang ipaliwanag ang kagandahan ng pagsuko at alisin ang takot na daraan muna sa pagpapahirap ang lahat ng mga nagsibabang kabataan na dating mag-aaral.

Bukod sa religious sector, ang iba pang grupo gaya ng non-governmrnt organizations ay kinausap na rin ng NTF ELCAC hinggil sa magandang kinabukasang hatid ng pagbabalik-loob ng mga rebelde lalo na ang mga kabataan.

“Kinausap namin ang mga bishop, pastor, mga guro, mga NGO para ipaabot ang mensahe. Ipinaalam sa kanila na hindi totoo ang mga sinasabi ng NPA na kapag nag-surrender ay pahihirapan ng mga sundalo,” bahagi ng text message ni Parlade sa The POST.

Samantala, sa pagpapalit ng Bagong Taon ay full blast pa rin ang paghimok ng gobyerno sa mga rebelde na sumuko na.

Sa hulong post sa social media account ng NTF ELCAC ay nakasaad ang panawagan sa mga rebelde at mga kabataang dating mag-aaral na: “Hindi pa huli ang lahat. Bumalik sa tamang landas. Sa taon na ito, kayo ay aming inaanyayahan na magbalik sa inyong mga pamilya, ibalik ang mga nawalang oras, gumawa ng mga panibagong alaala. Oras na para mag balik-loob.