Nation

MGA GURO PINAUUNA SA PAGBABABA NG RETIREMENT AGE

/ 13 March 2021

IMINUNGKAHI ni Senador Joel Villanueva na unahing isakatuparan ang pagbababa ng retirement age sa mga pampublikong guro kung hindi pa kakayaning ipatupad ito sa lahat ng government employees.

Ito ay kasunod ng pahayag ng Government Service Insurance System na posibleng maapektuhan ang actuarial life ng ahensiya kung ibababa ang mandatory at optional retirement ng mga kawani ng pamahalaan.

Ginawa ng GSIS ang pahayag sa pagtalakay ng Senado sa Senate Bill Nos. 72, 715, 739, 958 at House Bill 5509 na nagsusulong na ibaba sa 55 ang retirement age ng lahat ng empleyado ng gobyerno.

Sa virtual press briefing sa Senate Media, sinabi ni Villanueva na isa sa opsiyon na kanilang nakikita ay itaas pa nang kaunti ang hinihiling na retirement age kung hindi kakayanin ang 55 ay maaari itong gawing 56, 57 o 58.

Kasabay nito, idinagdag pa ng senador na isa rin sa opsiyon ay unti-untiin itong ipatupad sa bawat sektor subalit dapat bigyang prayoridad ang mga guro.

“I made another option na kung hindi talaga kaya kung paniniwalaan natin anng GSIS pronouncement which I doubt, kasi ang affordability klaro naman kaya nila, we can also focus doon sa sector ng teachers,” pagbibigay-diin ni Villanueva.

Una nang nagpahayag ng pangamba ang GSIS na hindi kakayanin ng kanilang actuarial life kung ibababa ang retirement age at posibleng maapektuhan ang kanilang pensiyon.

Kinumpirma ng senador na pag-aaralan na sa technical working group ng Senado ang panukala bago iendorso sa plenaryo.