MGA GURO ‘NGANGA’ SA PANUKALANG 2021 NATIONAL BUDGET
KINONDENA ng ACT Teachers partylist ang pagkakalatag ng 2021 proposed national budget na inilarawan nilang militarist budget at hindi prayoridad ang social services para sa taumbayan.
Ayon kay ACT Teachers Partylist Rep. France Castro, bagaman ang edukasyon ang may pinakamalaking alokasyon sa pambansang budget, wala namang nakalaan para sa flexible at blended learning modes.
Ipinaliwanag ni Castro na ang tanging nakalaan sa 2021 national budget ay ang pondo para sa P944.4 million learning modules subalit walang pondo para sa internet allowance ng mga guro at inalis pa ang kanilang Teacher’s Day incentive.
Pinuna rin ng kongresista ang hindi paglalaan ng budget para sa libreng annual medical check-at and treatment ng mga guro na nakasaad sa ilalim ng Magna Carta for Public School Teachers.
“Nothing was reset, the economy will not rebound and the people will not recover with the Duterte administration’s 2021 proposed budget,” pahayag ni Castro.
“Matindi pa, lagpas 2000% ang itinaas sa budget ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict na wala namang ibang ginawa kundi takutin, tatakan ang mga aktibista at ordinaryong mamamayan bilang ‘terorista’ at ‘rebelde’ na nagdudulot ng pagpatay sa kanila,” puna pa ng kongresista.
Kaugnay nito, muling kinalampag ng Kabataan Partylist ang Commission on Higher Education at ang Department of Education na tiyakin ang mass testing at epektibong contact tracing, isolation, at treatment bilang rekisito sa ligtas na patuloy na edukasyon.
Sinabi ni Kabataan Partylist Rep. Sarah Jane Elago na bagaman may mga inihapag ang CHED at DepEd na mga programa upang makatulong lalo sa mga nangangailangang estudyante at paaralan, batbat pa rin ito ng mga daing at pangamba.
“Sa nagpapatuloy na pagdami ng positibong kaso at sa kawalang katiyakan sa usaping pangkalusugan, hindi maiiwasan ang takot kahit sa hanay ng mga magulang at kaguruan na silang maglalakbay para sa mga modules,” pahayag ni Elago.
Sa datos ng DepEd noong August 23, 297 na estudyante, 340 na guro, at 186 non-teaching personnel ang nagpositibo sa Covid19.