Nation

MGA GURO ‘NGANGA’ SA BADYET NG PAMPA-CHECK UP; DEPED GINIPIT SA PONDO NG ECONOMIC TEAM

KINUMPIRMA ng Department of Education na sadyang mababa sa kanilang hinihingi ang inilaan sa kanilang pondo ng economic team para sa 2021.

/ 16 September 2020

KINUMPIRMA ng Department of Education na sadyang mababa sa kanilang hinihingi ang inilaan sa kanilang pondo ng economic team para sa 2021.

Sa budget hearing sa Kamara, sinabi ni DepEd Undersecretary Annalyn Sevilla na ang orihinal nilang budget proposal ay aabot sa P1.1 trilyon subalit ang nakapaloob sa National Expenditure Program ay P606.5 bilyon lamang.

Dahil dito, marami umanong programa ang ahensiya na posibleng hindi maipatupad sa susunod na taon dahil sa kawalan ng pondo.

Kabilang na rito ang panukalang pagkuha ng para-teachers  o tutors para sa blended o distance learning.

“The question on whether there is a 2021 budget line item on the hiring of para-teachers, there is none. What we have is the creation of the regular teaching position and that is what we are planning to do next year,” paliwanag ni Sevilla.

Sinabi naman ni DepEd Undersecretary for Planning and Field Operations Jesus Mateo na isinasapinal pa nila ang polisiya kaugnay sa hiring ng para-teachers o tutors.

Gayunman, ipinaliwang ni Mateo na batay sa draft policy, papayagan ang Schools Division Offices na kumuha ng learner support aides upang matulungan ang mga magulang at guardians para sa blended learning program.

Iginiit ni Mateo na maaaring kunin ang gastusin para rito sa Maintenance and Other Operating Expenses at Special Education Fund.

Wala rin sa panukalang budget ng ahensiya ang ibinibigay na insentibo sa mga guro para sa World Teacher’s Day,  gayundin ang pondo para sa annual check up ng mga titser.

“We must restore the zeroed budget item under the DepEd for Special Education Program, School Dental Health Care Program, World Teachers’ Day Incentive, and the Annual Medical Check-up for Teachers,” pahayag naman ni ACT Teachers Partylist Rep. France Castro.

Iginiit din ni Castro na dapat maibalik ang P5.36 milyon na pondo sa ilalim ng Basic Education Facilities para sa pagtatayo ng mga silid-aralan, ang P5.06 milyon para Basic Education Curriculum,  gayundin ang P500 milyon para sa School-Based Feeding Program at P8.61 milyon sa Teacher Quality Development Program.