Nation

MGA GURO NAKIISA SA BRIGADA ESKWELA

/ 15 August 2023

PINURI ng Teachers’ Dignity Coalition ang bolunterismo at bayanihan sa Brigada Eskwela kung saan nakiisa rin ang grupo sa Department of Education sa pagbubukas ng isang linggong paglilinis at pagsasaayos ng mga paaralan bilang paghahanda sa pagbubukas ng klase sa Agosto 29.

Ayon sa grupo, maganda ang layunin ng programa na pagkaisahin ang komunidad at magbayanihan para sa mga paaralan lalo at nalalapit na ang pagbubukas ng klase. Gayunman, iginiit ng grupo na dapat itong panatilihing boluntaryo at hindi na gawing paligsahan.

“Bayanihan at bolunterismo ang layunin ng Brigada Eskwela at napakagandang inisyatiba ito sapagkat nagkakaroon ng ownership at responsibility ang mga mamamayan ng komunidad at ang mga stakeholder. Kaya dapat itong mapanatili,” pahayag ni Benjo Basas, national chairperson ng TDC.

Idinagdag pa ni Basas na hindi na dapat gawing kompetisyon ang pagpapatupad ng Brigada Eskwela upang hindi na rin humantong sa iba’t ibang paraan ng pamimilit sa partisipasyon ang mga paaralan kung saan ang mga mag-aaral, magulang at guro ang naaapektuhan.

“Dahil ginawa itong contest dati, nagkakaroon ng iba’t ibang paraan ang ilang namumuno sa paaralan para makakuha ng malalaking donasyon mula sa komunidad, mga magulang, mga mag-aaral at maging sa mga guro. Sa huli kasi ay pararangalan sila ng DepEd mula division hanggang national level,” ani Basas.

Gayunman, sa pagkakatong ito ay mahigpit na ibinilin ni Vice President at DepEd Secretary Sara Duterte sa ilalim ng DepEd Order No. 21, s. 2023 na tiyakin na boluntaryo ang partisipasyon sa Brigada Eskwela at inalis na rin ang tradisyunal na Brigada Eskwela Best Implementing School Award, Hall of Fame Award at Brigada Eskwela Plus. Ikinatuwa naman ng TDC ang hakbang na ito ng DepEd.

“Ngayon ay pormal na inaalis ang mga parangal at pagkilala para sa pagpapatupad ng Brigada Eskwela. Sapagkat habang ginagawa itong paligsahan sa pagitan ng mga paaralan, dibisyon at rehiyon ay hindi ito magiging voluntary community initiative, hindi ito magiging bayanihan kailanman,” paliwanag ni Basas.

Ang Brigada Eskwela ay taunang gawaing inilulunsad ng DepEd kung saan ang lahat sa komunidad kasama na ang pribadong sektor ay nagtutulungan upang ihanda ang mga paaralan para sa pagbubukas ng klase. Ang sama-sama at boluntaryong pagsisikap ay naaayon sa diwa ng Bayanihan, isang natatangi subalit madalas na naaabusong tradisyon ng Pilipinas.

Ipinaalala rin ng TDC na bagaman ikinalulugod nila ang tulong mula sa komunidad at stakeholders, ang pagsasaayos at paggugol para sa mga pangangailangan ng mga paaralan ay pangunahing obligasyon ng estado.

“Itong bayanihan ay napakagandang halimbawa ng tradisyon ng Pilipinas, kaya nagpapasalamat po kami sa lahat ng mga sumasali sa Brigada Eskwela. Gayunman, nais naming ipaalala na ang lahat ng pangangailangan ng ating mga paaralan mula sa floor wax, walis, pintura, pako, yero at maging ang pagsasaayos nito ay pangunahing obligasyon ng estado,” ani Basas.