Nation

MGA GURO NAKATANGGAP NG P5K CASH AID MULA SA DOLE

/ 20 November 2020

PATULOY sa pamamahagi ng pinansiyal na ayuda ang Department of Labor and Employment sa mga gurong benepisyaryo ng Covid19 Adjustment Measures Program upang makaragdag sa tulong na kanilang kinakailangan ngayong sunod-sunod na suliranin ang dumaan sa bansa, dagdag pa ang hindi matapos-tapos na panganib dulot ng pandemya.

Ayon kay DOLE Information and Publication Service Director Rolly Francia, sa kasalukuyan ay halos P24 milyon na ang kanilang naipamahagi para sa 4,800 na mga guro sa buong bansa.

Malayo pa ito sa 60,000 na target kaya tuloy-tuloy pa rin ang pag-ikot nila’t pamimigay ng tulong sa mga bayani ng kasalukuyan.

Ayon kay Francia, P5,000 ang matatanggap na financial aid ng bawat guro.

Sakali mang hindi pa nakatatanggap ay huwag mag-alala dahil layon ng DOLE na matapos ito bago mag-Pasko.

Sa National Capital Region, kung saan may pinakamataas na bilang ng gurong benepisyaryo ay marami pang nakaantabay. Simula noong Nobyembre 13 ay 3,000 pa lamang ang nakatatanggap ng nasabing ayuda.

Bumagal ang operasyon ng CAMP dahil sa sunod-sunod na bagyo pero ginagawan na ito ng paraan para mas mapabilis pa.

“It is our prayer that the financial assistance provided to you by the government would help you and your families recover. It may not be enough considering the impact of Covid19 outbreak and the recent typhoons, but the department is doing its best to help the affected workers and establishments especially the educational institutions in this difficult and extraordinary time,” sabi ni DOLE NCR Regional Director Sarah Mirasol.