MGA GURO MAY PANGAMBA PA RIN SA F2F CLASSES
BAGAMAN walang naitalang kaso ng Covid19 sa ilang linggong pagsasagawa ng limited face-to-face classes, patuloy pa ring nakararamdam ng takot ang mga guro sa virus.
BAGAMAN walang naitalang kaso ng Covid19 sa ilang linggong pagsasagawa ng limited face-to-face classes, patuloy pa ring nakararamdam ng takot ang mga guro sa virus.
“Sa panig naming mga guro, sa totoo lamang, marami pa rin sa amin ang medyo nagdadalawang-isip kasi dama pa rin namin ang takot dahil sa kabila ng kagustuhan naming lahat na bumalik na sa face-to-face [classes] dahil bilang mga guro ay ramdam din namin ang pangangailangan ng mga mag-aaral…batid natin na narito pa rin ang banta ng Omicron,” ayon kay Dr. Marnito Muñoz, isang guro at miyembro ng Parent Teacher Association.
Aniya, hindi naman maiiwasan ang pangamba ng mga guro lalo na sa bagong Omicron variant.
Sa kasalukuyan ay tatlo na ang naitalang kaso ng Omicron variant sa bansa.
“Sa katunayan ay marami na ring bansa ang nagsasara ngayon na kabilang sa red list ng ating bansa sa pagpasok dito kaya hindi natin maiiwasan na ang mga guro natin ay magdalawang-isip at hindi tanggapin nang lubusan ang pagpe-face-to-face next year,” ani Muñoz.
Sa paghahanda naman ng mga guro para sa in-person classes, tiniyak nila na ligtas ang bawat isa na magbabalik-eskuwela.
“Gaya halimbawa ng pagtitiyak ng programa sa pamamagitan ng paghingi ng tulong sa mga lokal na pamahalaan, barangay levels, ‘yung health centers,” dagdag pa ni Muñoz.
Sinabi rin ni Muñoz na malaki ang gampanin ng PTA para masigurong ligtas ang pagbabalik- eskwela.