Nation

MGA GURO HANDA NANG MAGPABAKUNA VS COVID19

/ 7 April 2021

HANDA nang magpabakuna at bumalik sa klase ang karamihan sa mga guro dahil nahihirapan sila sa distance learning.

Ito ang inihayag ni Senador Sherwin Gatchalian makaraang makausap ang ilang mga guro bilang bahagi ng kanyang monitoring sa implementasyon ng bagong sistema ng edukasyon.

Kaugnay nito, muling iginiit ng senador na maiangat sa priority list ng mga bibigyan ng bakuna kontra Covid19 ang mga guro.

“Kung mayroon po tayong medical frontliners, kung mayroon tayong economic frontliners, mayroon tayong education frontliners. At alam naman natin na napakahalaga po ng edukasyon kahit na ganitong pandemya, importante po na natututo ang kabataan,” pahayag ni Gatchalian.

“Marami sa ating mga guro ay nakakausap ko, handa na pong magpabakuna, handa na silang magturo, handa na silang magbukas ng klase dahil alam nilang napakahirap nitong distance learning dahil hindi naman po lahat ay mayroon pong internet access,” dagdag ng senador.

Nangako si Gatchalian na patuloy na makikipag-ugnayan sa Inter-Agency Task Force at kay Vaccine Czar Secretary Carlito Galvez upang mabigyang prayoridad ang mga guro.

“Kaya patuloy po ang aking pakikipag-ugnayan sa kanila para po mailagay sila sa priority list at maganda naman ang aming pag-uusap at bibigyan tayo ng linaw siguro sa mga susunod na araw na darating,” sabi pa ng senador.

Muling iginiit ng mambabatas na hindi maaaring matigil ang pag-aaral ng mga estudyante para na rin sa kanilang kinabukasan.

“Hindi puwedeng huminto ‘yung kanilang pag-aaral dahil mahihirapan ho silang bumalik sa pag-aaral at marami sa kanila ay mahihirapang tumawid from high school to college. Kaya importante po na tuloy-tuloy ang kanilang pag-aaral kaya sa ganitong punto, hindi makakapasok ang ating mga mag-aaral kung ang guro ay takot sa pandemya,” dagdag pa ng senador.