Nation

MGA GURO DISMAYADO SA HINDI PAGPAPASA NG REQUIREMENTS NG MGA ESTUDYANTE

/ 25 January 2021

DISMAYADO ang mga  guro sa tila nagiging trend sa mga mag-aaral na hindi pagpapasa ng academic requirements.

Base sa mga Facebook post ng mga guro, nahihirapan silang hingin ang mga requirement sa kanilang mga estudyante.

“Naiiyak ako sa palusot ng mga students na hindi nagpapasa ng requirements. Dapat may technology rin sa online learning platform tungkol sa honesty, bukod pa sa plagiarism. ‘Yung tipong sasabog ang laptop nila kapag hindi sila nagsasabi ng totoo. Harsh no? Point ko lang, hirap lumugar bilang guro sa panahong ito,” sabi ng isang guro sa kanyang Facebook post.

“Haha ang toxic ng educational system ngayon. Imagine, ‘di nagsisipasok at nagpapasa ng requirements ang students pero hindi pwedeng ibagsak? Teacher pa ang mag-aadjust, maghahabol at parang nagmamakaawang isa-isahin sila para lang mag-comply nang makapasa. Haha galing naman sana all swerteng generation ???????????? To my students, ‘wag naman tigas mukha,” pahayag naman ng isa pa.

Nagbabala naman ang isang guro sa kanyang mga estudyante na hindi umano nagpapasa ng requirements at umaasang papasa ngayong taon.

“Sa mga students ko ngayon, guys, magpasa kayo ng requirements. Kung feeling ninyo papasa kayo nang hindi nagpapasa ng requirements, then you’re not feeling well. Hindi ako mabait. Alam ‘yan ng former students ko. Inform ko lang kayo at sana makaabot itong mensahe ko na ito sa inyo. ‘Yun lang,” sabi niya.

Wala pang eksaktong data o figures tungkol sa mga nagrereklamong guro, subalit kinumpirma nina Teachers’ Dignity Coalition Chairman Benjo Basas at Alliance of Concerned Teacher’s Secretary General Raymond Basilio ang ganitong reklamo sa The POST.

“’Yung numbers wala pa hindi pa namin nako-collate eh, kasi ang ginagawa lang namin talaga diyan, syempre eh kumukuha kami sa aming survey sa aming mga miyembro and usually ayan naman ang lumalabas na response na mga tao kaya malakas din ang loob namin na sabihin na may ganung pangyayari,” pahayag ni Basas sa panayam ng The POST.

Ayon sa kanya, kakulangan sa interes ng mga batang mag-aral ang isa sa pinakamalaking problema ngayon sa sektor ng edukasyon.

“Nagpapasa lang sila ng papel minsan walang sagot, minsan kulang-kulang ‘yung sagot, minsan obviously hindi sila ‘yung sumagot. Hindi natin mapipigil ‘yung mga ganun. Lack of interest at tsaka at the same time mahirap talaga, hindi talaga ito simple, itong pagsagot ng modules,” pahayag ni Basas.

Sinabi naman ni Basilio sa The POST na hirap ang mga guro na mag-compute ng grado ng mga bata lalo na’t marami sa mga ito ang hindi nagpapasa ng mga assignment o requirements.

“Common na reklamo ngayon kasi gawaan ng grades ngayon ng mga teachers natin. Ang cases na binabanggit nila ay walang na-isubmit na mga academic requirements, nakikipag-communicate ‘yung mga teacher hindi sila sumasagot, so technically ang problema ng mga teacher ngayon ano ‘yung grade na iko-compute nila with this non- participation ng mga bata,” sabi pa niya.

“’Yung totoo, ang teachers natin by January sinasabi mga pito na lang pumapasok sa online classes na umaabot pa ng 30 minutes ang antayan bago pa magkaroon ng estudyante,” dagdag ni Basilio.

Sinabi rin ni Basas na kakaunti na lamang ang mga estudyanteng pumapasok sa online classes.

Sinubukan ng The POST na hingin ang panig ng Department of Education tungkol dito subalit bigo itong makakuha ng statement.