MGA GURO BIGYAN NG ORAS SA KANILANG RESEARCH — SOLON
IMINUNGKAHI ni ACT Teachers Partylist Rep. France Castro sa Department of Education na bigyan ng oras sa loob ng kanilang trabaho ang mga guro para magawa ang kanilang research papers.
Ito ay kasunod ng report ng The POST na may mga guro na bumibili ng research papers para sa kanilang promosyon.
“Medyo nakakalungkot ang balitang ito, naririnig ko nga rin iyan pero wala akong personal knowledge,” pahayag ni Castro nang hingan ng reaksyon ng The POST hinggil sa artikulo.
Ipinaliwanag ni Castro na bagama’t mahalaga ang research sa pagtuturo, nauunawaan din niya ang kalagayan ng mga guro.
“Though I also agree that research is an important part in teaching and in education in general, on the part of the public school teachers na sa dinami-dami rin ng ginagawang paper works, activity at mga non-teaching jobs, medyo mahirap na talagang isingit pa ang action research,” paliwanag pa ni Castro sa The POST.
“I suggest kung ito talaga ang mahalaga sa DepEd na dapat gawin, maglagay ng ample time sa mga guro na makagawa nito na inclusive sa hours of work nila or hours of teaching,” diin ng kongresista.
Isa pang rekomendasyon ng mambabatas ay tanggalin na ang non-teaching activities sa mga guro upang mas maging maluwag ang kanilang oras.
“Suportahan sila financially, mas maganda kung collaborative instead of individual at huwag ilagay sa criteria ng performance at gawin itong plus points. At gawing voluntary,” dagdag pa ni Castro.