MGA GURO BIGONG MARINIG ANG INAASAHAN SA SONA
DISMAYADO ang mga guro dahil hindi nila narinig ang mga inaasahan nila sa unang State of the Nation Address ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr., ayon sa Teachers’ Dignity Coalition.
DISMAYADO ang mga guro dahil hindi nila narinig ang mga inaasahan nila sa unang State of the Nation Address ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr., ayon sa Teachers’ Dignity Coalition.
Bukod sa pangkalahatang banggit sa pagpapabuti sa sektor ng edukasyon ay wala na umanong mga partikular na plano para sa kapakanan ng mga guro at mag-aaral bagama’t ikinatuwa naman nila ang pahayag ng Pangulo para sa pagpapalakas ng pagsasanay sa mga guro, ang pagrepaso sa Kindergarten to Grade 12 program at ang pagsusulong nito ng full face-to-face classes sa paparating na school year.
“Kinikilala namin ang pangangailangan sa mga trainings para sa ating mga guro, maging itong pagpapatupad ng face-to-face classes sa buong bansa at ang pagrepaso sa K to 12 curriculum. Gayunman, kailangan pa rin itong tumbasan ng mas importanteng mga pangangailangan para sa kapakanan ng mga guro at mag-aaral at maging sa mahusay na operasyon ng mga paaralan,” wika ni Benjo Basas, pambansang tagapangulo ng nasabing grupo.
Ang TDC ang pangunahing grupo na nanawagan ng pagpapalawig ng school break hanggang sa kalagitnaan ng Setyembre upang maipatupad ang itinatadhana ng batas para sa dalawang buwang bakasyon ng mga guro at maihanda ang mga paaralan sa susunod na pasukan.
Wala rin umanong banggit ang Pangulo sa partikular na kahilingang ito, gayunman ay sisikapin pa rin nilang makausap si Vice President at DepEd Secretary Sara Duterte-Carpio upang talakayin ito.
Kabilang din sa mga inaasahan sana ng mga guro ay ang pagpapataas ng kanilang sahod, pagreporma sa GSIS, pagpapatupad sa Magna Carta for Public School Teachers at pag-aalis sa napakaraming clerical at administrative tasks ng mga guro.
Ang mga ito umano ay ilan lamang sa mga kagyat na solusyon sa problema ng mga guro at sektor ng edukasyon at bahagi ng 13-Point Teachers’ Dignity Agenda na kanilang isinusulong.
Dapat umano itong bigyang-pansin ng Pangulo sapagakat maaaring masayang lamang ang mga inisyatiba para sa edukasyon kung hindi uunahin ang kapakanan ng mga guro.
“Anumang programa sa pagpapabuti sa sektor ng edukasyon ay hindi magtatagumpay kung hindi bibigyan ng prayoridad ang kapakanan ng mga guro. Simple lamang naman ang dapat gawin, bigyan ng makatarungang sahod at nararapat na mga benepisyo ang mga guro, ayusin ang kalagayan ng mga classroom at hayaan silang makapagturo nang mahusay at huwag pagawin ng kung anu-anong trabahong klerikal. Bigyan ang guro ng dignidad,” ani Basas.
Sa kabila nito, nakahanda ang grupo sa dayalogo sa Pangulo sa hinaharap.