Nation

MGA GURO AT MAG-AARAL MAS GUSTO PA RIN ANG F2F CLASSES SA KABILA NG PANDEMYA

/ 2 January 2022

DAHIL sa pandemya, napilitan ang mga estudyante na mag-aral sa ilalim ng blended distance learning subalit mas gusto pa rin nila ang face-to-face classes dahil mas natututo sila rito.

Isa sa mga pangunahing problema sa online classes ang mabagal na internet connection kung kaya mapag-iiwanan lamang ang mga mag-aaral  sa ilalim ng eskemang ito. Nadi-distract din ang mga bata sa mga nakikita nila sa paligid kung kaya hindi masyadong nakakapag-focus sa kanilang pag-aaral.

Kaya naman marami ang natuwa nang ilunsad ng Department of Education ang limited face-to-face classes sa mahigit 100 pampubliko  at pribadong paaralan sa bansa.

Pinayagan ng DepEd ang 117 paaralan, kasama ang 28 sa National Capital Region, na magsagawa ng in-person classes. Bukod pa ito sa 118 paaralan na nauna nang inaprubahan ng kagawaran na magsagawa ng limited face-to-face classes noong Nobyembre.

Plano ng DepEd na palawigin pa ang face-to-face classes sa Enero sa susunod na taon.

Ayon kay DepEd Assistant Secretary Malcolm Garma, sa kanyang pag-iikot sa mga eskwelahan sa Metro Manila na kasali sa pilot run, nakita niya kung gaano kasaya ang mga guro at mag-aaral.

“Bagama’t pilot lang ito, pero nakikita natin na ito ay posible at kayang gawin. Kailangan lang talagang makita natin na nakakasunod ang lahat doon sa nakalatag na guidelines, especially ‘yung ating health protocols,” ani Garma.

Subalit binatikos ng isang grupo ng mga guro ang kagawaran sa pagmamadali nitong isagawa ang limited face-to-face classes sa NCR sa kabila ng bagong variant ng virus.

“Nagmamadali kasi ang DepEd, dalawang linggo na lang holiday break na, bakit hindi pa nahintay ang resulta ng siyentipikong assessment ng pilot implementation ng 100 mga paaralan last month?” sabi ni Benjo Basas, national chairperson ng Teachers’ Dignity Coalition.

“Hindi naman kailangang madaliin ang eksperimentong ito lalo na sa NCR na siyang sentro ng pandemya at lalo pa ngayong mayroong bagong variant ang virus,” dagdag pa niya.

Para sa isang grupo ng mga private school, itutuloy pa rin nila ang distance online classes para sa taong pampaaralan 2021-2022 hanggang hindi pa natitiyak ang kaligtasan ng mga guro at mag-aaral.

Ayon kay Eleazado Kasilag, pangulo ng Federation of Associations of Private Schools Administrators, nakadepende lamang ang kanilang member schools sa status ng vaccination at sa programa ng pamahalaan.

“Private school pupils in basic education, that is, from nursery to grade six, as well as junior high to senior high school students may be considered quite excited to report for face-to-face classes but it is the parents that shall finally give the go signal,” ani Kasilag.

Sinabi rin ni Kasilag na dapat ay ‘fully vaccinated’ na lahat ng mga mag-aaral na may edad 12 pababa bago sumabak muli sa face-to-face classes.