MGA GURO AT ESTUDYANTE YAYAKAPIN SA ‘SHIELD’ BILL NG HOUSE MINORITY BLOC
BUMALANGKAS ng sariling panukalang pagpopondo para sa pagtugon sa Covid19 pandemic ang Makabayan Bloc sa Kamara bilang kapalit ng proposed Bayanihan to Heal as One Act.
Ayon sa Makabayan bloc, ang House Bill 7620 o ang proposed People’s Strategy for Strengthening Health, Social Protection, Economic and Local Industrial Development o SHIELD Act ay magbibigay ng immediate economic relief sa mahihirap na pamilya sa gitna ng nararanasang pandemya.
Sa kanilang panukala, kabuuang P1.568 trilyon ang ipinalalaan ng minority congressmen sa mga hakbangin upang tugunan ang kasalukuyang krisis.
Isa sa pangunahing tinutukan ng mga kongresista sa panukala ang mga kinakailangang ayuda at suporta sa education sector na may malaking adjustment dulot ng Covid19.
Nakapaloob sa mga probisyon ng panukala ang paglalaan ng pondo para sa matrikula sa mga kuwalipikadong estudyante; pagbibigay sa kanila ng gadgets, gayundin sa mga guro at maging ang ayuda sa mga paaralan na apektado ng pandemya.
“Napilitan ang Department of Education, ang teachers, students na pumaloob sa blended learning, modular, so mayroon tayong ipinapanukala para sa ligtas na balik eskwela na magkaroon ng facilities at infrastructure. Mabigyan ang teachers ng proteksiyon at siyempre, distance learning i-provide ang kailangang gadgets at internet connection,” pahayag ni ACT Teachers Partylist Rep. France Castro.
Nakasaad sa panukala ang pagpapatupad ng moratorium sa pagtataas ng matrikula at iba pang school fees sa loob ng tatlong taon o sa panahon ng national public health emergency.
Batay pa sa SHIELD bill, maglalaan ng kabuuang P55.5 bilyon para sa Tertiary Education Subsidy kung saan bibgyan ng P15,000 ang bawat estudyante na saklaw nito para sa kanilang tuition bawat semestre na direktang ibabayad sa paaralan.
Bibigyan din ng P40,000 na ayuda kada taon para sa tuition at iba pang gastusin ang mga estudyante na ang mga magulang ay naapektuhan ng krisis, partikular ang overseas Filipino workers.
Maglalaan din ng P50 bilyon para sa wage subsidy sa Micro Small and Medium Enterprises, kasama ang mga private educational institution.
Una nang tinutulan ng minority congressmen ang Bayanihan 2 bill dahil sa maliit na pondong pantugon sa mga pangangailangan laban sa Covid19.