Nation

MGA ESTUDYANTENG NAPAG-IWANAN SA DISTANCE LEARNING TUTUKAN — SENADOR

/ 26 July 2021

INIREKOMENDA ni Senate Committee on Basic Education, Arts and Culture chairman Sherwin Gatchalian na balangkasin at pondohan na ng Department of Education ang mga hakbangin upang matutukan ang mga estudyanteng napag-iwanan sa distance learning.

Sinabi ni Gatchalian na ngayon pa lamang ay dapat mayroon nang ‘catch up plan’ ang DepEd para maturuan ang mga estudyanteng nahirapang makaagapay sa bagong sistema ng pag-aaral bunsod ng Covid19 pandemic.

“Dapat ho makita ng DepEd at matutukan ito para magkaroon ng totoong assessment kung ‘yung bata ay natututo o hindi dahil dito natin makikita at malalaman kung sino ang natututo at hindi natututo at paano natin reremedyuhan,” pagbibigay-diin ni Gatchalian.

Isa sa inihalimbawa ng senador na maaaring gawin ay ang pagkuha sa mga newly education graduate upang maging tutor.

“Isa sa aking proposals, ‘yung tinatawag na catch up plan na pondohan ng gobyerno ang paghahabol ng bata. For example, dapat kumuha pa tayo ng mas maraming guro o makakapag-tutor sa bata, so nakita ko may mga for example education graduate students na puwede natin silang bigyan ng allowance at mag-tutor sila sa mga batang hirap. Doon sa mga nahihirapan lang,” paliwanag ng mambabatas.

Iginiit ni Gatchalian na hindi maaaring iwanan ang mga nahihirapang estudyante dahil kinalaunan ay may epekto ito sa ekonomiya sa kabuuan.

“So dahil nga itong mga bata ay nahihirapan, puwede nating bigyan ng kaunting allowance ang mga education graduates o ‘yung mga nag-aaral ng education at turuan, i-tutor ang mga bata. ‘Yung tutor napakahalaga niyan dahil one to one at matututukan talaga ang pangangailangan ng bata,” dagdag pa ng senador.