MGA ESTUDYANTE PINABIBIGYAN NG DISKWENTO SA DIGITAL TRANSACTIONS
ISINUSULONG ni Quezon City 4th District Rep. Jesus ‘Bong’ Suntay ang panukala para sa pagkakalob ng diskwento sa mga estudyante, senior citizen at persons with disabilities sa mga digital transaction.
Sa kanyang House Bill 9245 o ang proposed Digital Transaction Discount Act, sinabi ni Suntay na bahagi na ng buhay ang contactless payment kahit noong wala pang pandemya.
“Over the past few years, there has been a significant decrease in cash usage as the economy modernizes,” pahayag ni Suntay sa kanyang explanatory note.
Gayunman, sinabi ni Suntay na sa gitna ng pagpapatupad ng ‘new mode of payment at transaction’, halos hindi naibibigay ang mga pribilehiyo at benepisyo sa mga vulnerable sector tulad ng senior citizens at PWDs.
Minamandato sa House Bill 9245 ang pagkilala at pagpapatupad ng mga pribilehiyo at diskwentong nakapaloob sa ibang mga batas para sa senior citizens, PWDs at maging sa mga estudyante, sa anumang digital transaction.
Nakasaad sa panukala na dapat ang lahat ng kompanya na gumagamit ng digital platforms ay magkaroon ng sistema para sa pagrehistro ng mga estudyante, seniors at PWDs upang mapakinabangan ang diskwento at iba pang pribilehiyo.
Batay sa panukala, ang sinumang hindi susunod sa pagbibigay ng diskwento ay papatawan ng isa hanggang anim na buwang pagkakakulong at multang mula P10,000 hanggang P50,000 sa unang paglabag.
Sa ikalawang palabag, anim na buwan hanggang isang taong pagkakulong at multang mula P50,000 hanggang P100,000 ang ipapataw.
Ang mga tao namang aabuso sa paggamit ng pribilehiyo ay mahaharap sa anim na buwang pagkabilanggo at multang mula P50,000 hanggang P100,000.