MGA ESTUDYANTE MAY PASOK SA SUMMER — DEPED
INANUNSIYO ng Department of Education na tatagal ang school year hanggang Hunyo 16, 2021 dahil sa ilang buwan na pag-uurong sa pagbubukas ng klase.
Sa isang press briefing ay sinabi ni Education Undersecretary Diosdado San Antonio na aabutin ng summer ang pasukan ng mga estudyante at wala nang magagawa ang kagawaran dahil kailangang mapunan ang 200 na araw ng school year.
Nilinaw naman niya na blended learning ang gagamitin sa taong ito, kung kaya hindi araw-araw pisikal na papasok ang mga estudyante.
Dagdag pa niya, maaaring isang araw lamang ang estudyante sa eskuwelahan dahil mas mainam na mas kaunti ang mga mag-aaral sa loob ng silid-aralan at sa tingin naman niya ay kakayanin nila ito.
“So kung nakikita natin na mainit man ang silid-aralan, ano na rin spacious siya at ano once a week lang naman, so it will not really impact the learning of the children,” ayon kay Usec. San Antonio.
Gayunman, sinabi ni Education Secretary Leonor Briones na hindi niya rin nais alisin ang summer vacation sa mga estudyante subalit sa panahong ito ay imposible lalo na’t ilang buwan naiurong ang pagbubukas ng klase.
Ang school year 2020-2021 ay mula Oktubre 5, 2020 hanggang Hunyo 16, 2021 upang masunod ang 200 na araw ng pasok.