MGA ESTUDYANTE BIGYAN NG ACCESS SA PAARALAN — COCOPEA
INIREKOMENDA ng Coordinating Council for Private Educational Associations sa Department of Education na payagan ang mga estudyante na magkaroon ng limitadong access sa kanilang mga paaralan habang patuloy na pinaplano ang pagbabalik ng face-to-face classes.
Sa pagdinig ng Senado, sinabi ni COCOPEA Managing Director Atty. Joseph Noel Estrada na kung pinapayagan nang makalabas ang mga bata at magtungo sa ilang mga lugar tulad ng arcade at malls ay bakit hindi sila payagan na makapunta sa mga paaralan.
Inihalimbawa ni Estrada na maaaring bigyan ng limitadong oras ang mga estudyante sa library ng kanilang paaralan o sa open spaces ng pasilidad upang makagamit din sila ng internet connection.
Idinagdag pa ng abogado na maging ang mga magulang ay dapat bigyan ng minimum na oras na manatili sa mga paaralan para mapakinabangan din ang mga pasilidad.
“Napansin namin parents take their children to mall or other places where they are allowed for limited time. Why not allow them to go to school for limited time and for the purpose of accessing internet connection,”diin ni Estrada.
Inilatag din ng COCOPEA ang siyam na inirerekomenda nilang patakaran para sa pagbubukas muli ng face-to-face classes.
Kinabibilangan ito ng pagtiyak na walang symptomatic individual na papapasukin sa mga paaralan; ikalawa, ang palagiang pagsusuot ng face mask at face shield; ikatlo, ang minimum na isang metrong distansiya at limitahan sa 20 estudyante ang bawat klase; at ikaapat, ang pagtatakda ng dalawang metrong distansiya kapag kumakain ang mga bata.
Dapat ding tiyaking magkaroon ng sapat na bentilasyon sa mga silid-aralan; magkaroon ng regular na disinfection; ipatupad ang regular na paghuhugas ng kamay; bigyan ng limitasyon ang pagsasama ng mga estudyante; at ang pagpapatupad ng shifts na 10-4 at 17-4 .
Ipinaliwanag ni Estrada na ang shifts na ipatutupad ay ang 10 araw na diretsong online classes at saka susundan ng apat na araw na face-to-face classes.