Nation

MGA BAGONG SASAKYAN NG DEPED IPAGAMIT SA MGA PAARALAN — SOLON

/ 2 November 2020

HINIMOK ni ACT Teachers Partylist Rep. France Castro ang Department of Education na ipagamit sa mga guro ang mga bagong sasakyan na binili nito para sa distribusyon at pangongolekta ng mga self-learning module sa gitna ng ipinatutupad na distance learning.

Sinabi ni Castro na bagaman itinuturing nilang ‘insensitive’ na aksiyon ng ahensiya ang pagbili  ng mga sasakyan sa gitna ng pandemya ay mas makabubuting gamitin na lamang ang mga ito sa kapakinabangan ng mga guro.

“Ang nakita natin na  parang insensitive. Ang mga teacher kasi nangangailangan din ng sasakyan. Dahil alam natin na sila ang nagde-deliver at nagre-receive ng modules, siguro maganda muna na ipagamit sa ating mga guro sa mga eskuwelahan ngayong pandemya,” pahayag ni Castro.

Ipinaliwanag ng kongresista na bagaman tumutulong ang mga lokal na pamahalaan sa mga eskuwelahan, marami pa rin ang kapos sa sasakyan dahil maging ang mga LGU ay hindi rin sapat ang mga behikulo.

“Wrong timing pero blessing in disguise na rin kung papayagan ng DepEd na magamit ang mga sasakyan na ito ng mga eskuwelahan,” diin ni Castro.

Ayon kay Castro, ilang linggo matapos ang pagbubukas ng klase, nakita ang matinding pagod ng mga guro na nangangasiwa sa pagpi-print ng mga module, distribusyon at kasunod naman ay ang muling pagtanggap ng mga ito.

Sinabi ni Castro na bukod pa ito sa halos 24/7 na pagiging available ng mga guro sa Messenger upang masagot ang mga tanong ng mga estudyante.