Nation

MGA BAGONG POSISYON SA TEACHING PERSONNEL PINABUBUO NG SENADOR

/ 6 September 2020

NAIS ni Senador Ramon ‘Bong’ Revilla Jr. na bumuo ang gobyerno ng mga bagong posisyon para sa mga public school teacher sa Basic Education upang punan ang salary gaps.

Sa kanyang Senate Bill 1259 o ang proposed Teachers’ Salary Upgrading Act, binigyang-diin ni Revilla na dahil sa kasalukuyang sistema ng teacher’s position, may limitasyon sa mga oportunidad para sa mga guro.

“Teaching is a profession that builds a strong nation. Teachers are the foundation and most essential actors in the field of education who provide our children with the knowledge, skills and proper disposition that will enable them to become productive, proactive and responsible citizens of our nation,” pahayag ni Revilla sa kanyang explanatory note.

Ipinaliwanag ni Revilla na sa ngayon,  ang teaching track ay binubuo ng Teachers I, II at III na may katumbas na Salary Grades 11, 12 at 13, ayon sa pagkakasunod-sunod.

Ang kasunod na posisyon ay Master Teachers I, II, III at IV katumbas ng Salary Grades 18, 19, 20 at 21, ayon sa pagkakasunod-sunod.

“Hence, there is a gap of four Salary Grades with corresponding substantial difference in Qualification Standards and hiring requirements between Teacher III and Master Teacher I,” paliwanag pa ni Revilla.

Dahil dito, iginiit ni Revilla na marami sa mga guro na na-stock sa Teacher III ang nag-aaplay sa non-teaching positions upang mabigyan ng promosyon o kaya naman ay lumilipat sa private learning institutions habang ang iba ay iniiwan na ang teaching profession para makakuha ng mas mataas na suweldo.

Sa kanyang panukala, isinusulong ni Revilla ang pagbuo ng posisyon para sa Teacher IV, V, VI at VI na may katumbas na Salary Grades 14, 15, 16 at 17.

Nakasaad sa panukala na rerebisahin ng DepEd at ng Department of Budget and Management,  katuwang ang Civil Service Commission, ang kanilang qualification standards.