Nation

MGA ANAK NG OFWs MAY P10K CASH AID MULA SA OWWA

/ 9 November 2020

TUTULUNGAN ng Overseas Workers Welfare Administration ang mga college-level dependent ng overseas Filipino workers na nawalan ng trabaho dulot ng Covid19 pandemic.

Ang mga dependent ay makatatanggap ng P10,000 taunang pinansiyal na ayuda sa loob ng apat na taon.

Ito ay sa ilalim ng Project Educational Assistance through Scholarship in Emergencies, ang pinakabagong educational assistance ng OWWA na inilunsad ngayong panahon ng pandemya para sa repatriated OFWs.

Dahil sa limitadong pondo, tanging sa mga may active membership lamang bukas ang aplikasyon.

Gayunpaman ay puwede pa ring mag-aplay kahit na iskolar na ang bata ng ibang ahensiya basta hindi galing sa OWWA.

“Kahit sila po ay iskolar na ng ibang agenciyes like CHED, DOST, o iba pa ay pupuwede pa rin silang mag-aplay as long as anak o kapatid po sila ng repatriated OFW na napauwi ng February 1 onwards,” wika ni Labor Communication Officer Geraldine Lucero.

Para sa mga interesado, kailangan lamang na isumite ang kopya ng valid passport, resibong pruweba ng active membership, flight ticket, boarding pass o arrival stamp/sticker na nasa passport bilang katibayan ng pag-uwi sa bansa ng OFW, katibayan ng relasyon at marka sa paaralan ng dependent.

“Kumpletuhin na po ninyo ‘yung mga dokumento at siguraduhing malinaw ‘yung picture o scanned copy na inyong ipapasa para mabilis po naming ma-evaluate at ma-endorse agad for approval,” sabi ni Lucero.

Para sa karagdagang impormasyon, bisitahin lamang ang www.ease.owwa.gov.ph.