METRO MANILA ‘DI LALAHOK SA DRY RUN NG F2F CLASSES
DAHIL nasa ilalim pa rin ng General Community Quarantine, walang paaralan sa Metro Manila ang lalahok sa dry run ng face-to-face classes sa Enero 2021, ayon kay DepEd-NCR Director Malcolm Garma.
“Alam natin na iyong minimum requirement po natin para po doon sa nomination natin for pilot classes ay at least ito po ay dapat nandoon sa mga classification ng low severity cases. So, ibig pong sabihin nito ay MGCQ po dapat. At alam naman po natin na ang National Capital Region at least hanggang katapusan ng Disyembre ay nasa ilalim pa rin po ng General Community Quarantine,” sabi ni Garma sa isang public briefing.
“So, hindi po muna tayo nagnomina ng paaralan mula sa National Capital Region na lumahok dito sa pilot na ito. So, tingnan po natin pagdating po ng Enero sa susunod na taon kung ano po ang magiging estado ng National Capital Region pagdating po sa community quarantine level at maaari pong doon po natin ibabatay kung handa na po ang NCR para lumahok sa gagawin pong pilot limited face-to-face,” dagdag pa ni Garma.
Sinabi ni Education Secretary Leonor Briones na nasa 1,114 eskuwelahan lamang ang nominado para magsagawa ng dry run ng face-to-face classes.
“So far, ang ini-report ng ating mga regional directors last week ay 1,114 schools ang na-nominate out of 61,000 schools. Tatlong regions ang nag-beg off at this time. Alam na natin ang NCR at naintindihan natin iyan. Ang Davao nag-beg off also, ang Cotabato nag-beg off pero ang malaking demand talaga is in Region IV-A, Region VIII, the other regions nagva-vary,” sabi ni Briones.
“Pero ang final listing will be very much lesser than 1,114 considering na may ibang factor tayong tinitingnan, kino-consider kaya gusto nating written consent from the parents,” dagdag pa ng kalihim.