MEDICAL STUDENTS MALAKING TULONG SA VACCINATION ROLLOUT
IKINATUWA ni House Speaker Lord Allan Velasco ang desisyon ng gobyerno na kunin ang serbisyo ng mga medical at nursing student upang magsilbing vaccinators sa ilalim ng National Covid19 Vaccine Deployment and Vaccination Program.
Sinabi ni Velasco na malaki ang maitutulong ng mga medical student upang higit na mapalakas ang kampanya ng gobyerno sa pagbabakuna at maabot na ang 90 porsiyento ng populasyon na mababakunahan.
“By tapping medical and nursing students in the vaccination program, the government will rapidly expand access to Covid19 vaccines, which is crucial to reaching the herd immunity threshold we need to return to normal life,” pahayag ni Velasco.
Iginiit pa ng House Speaker na bago pa man magsimula ang pagbibigay ng bakuna ay nanawagan na siya na bilisan ang rollout ng bakuna dahil ito ang isa sa mga pinakamahalagang kasangkapan upang tapusin ang pandemya.
Dahil dito, inihain niya ang panukalang Covid19 Vaccination Program Act of 2021 na nananawagan na mabilisin ang pagbili at pagbibigay ng bakuna.
Muli ring binigyang-diin ng mambabatas na ang mga tinaguriang ‘underboard nurses’ ay maaaring makatulong ng mga registered nurse o doktor sa pamamagitan ng special arrangement sa Professional Regulation Commission.