MEDICAL SCHOOL IPINATATAYO SA BAWAT REHIYON
UPANG palakasin ang medical scholarship, isinusulong ni Quezon 4th District Rep. Angelina Tan ang pagtatayo ng medical school sa bawat rehiyon sa bansa.
Sa paghahain ng House Bill 7856 o ang proposed Paaralang Medikal sa Bawat Rehiyon ng Bansa Act, sinabi ni Tan na tungkulin ng Estado na magbigay ng dekalidad at world-class medical education na accessible sa lahat ng mga Filipino.
Iginiit ng kongresista na maaari lamang makamtan ang naturang mandato kung magkakaroon ng medical school sa bawat administrative region, lalo na sa mga lugar na walang State University and College na nagkakaloob ng medical course.
“The establishment of a medical school in all 17 regions of the country is envisioned to meet the target number of doctors that the country badly needs, especially during this time of the Covid19 pandemic and to bolster the implementation of Universal Health Care law for all Filipinos,” pahayag ni Tan sa kanyang explanatory note.
Minamandato sa panukala ang pagsasagawa ng imbentaryo sa mga medical school at Department of Health-operated hospital sa bansa upang matukoy ang mga maaaring magtulungan sa pagtatayo ng medical schools sa mga administrative region.
Batay rin sa panukala, paiikliin na ng Commission on Higher Education ang proseso sa pagkakaloob ng authority to offer Doctor of Medicine Program sa pamamagitan ng pagbabawas ng mga requirement.
Ang lahat ng itatayong medical schools ay magiging exempted sa mga buwis at iba pang bayarin sa gobyerno habang ang mga magbibigay ng donasyon sa mga paaralan ay bibigyan ng insentibo sa buwis.
Nakasaad din sa panukala ang pagkakaloob sa CHED ng P5 bilyon na inisyal na pondo para sa pagsisimula ng pagtatayo ng medical schools.