MEDICAL SCHOLARSHIPS IPAGKALOOB SA MGA HANDANG MAGSILBI SA BANSA — SENADOR
PINATITIYAK ni Senadora Pia Cayetano sa mga ahensiya ng gobyerno na mananatili sa bansa para magserbisyo ang mga makikinabang sa scholarships para sa health courses tulad ng mga doktor at nurses.
Ito ay makaraang lumabas sa datos na may sapat na lisensiyadong mga healthcare workers tulad ng nurses ang bansa subalit nasa kalahati lamang ang practicing dahil marami ang nagsisilbi sa ibayong dagat.
Sa pagdinig ng Senate Committee on Sustainable Development Goals, Innovation and Futures Thinking na pinamumunuan ni Cayetano, iginiit ng senadora na hindi makatarungan para sa mga Pilipino na matapos pag-aralin ang mga scholar ay hindi makapagsisilbi sa bansa at mas nanaising magtrabaho sa ibang bansa.
“’Yung Doktor Para sa Bayan we need to ednsure these are the people who want to stay. The country has the obligation to educate its people, to educate na magiging doktor ka pero sa ibang bansa ka pala magpa-practice. Not faif for our Filipino taxpayers,” pahayag ni Cayetano.
“Bakit ka gagastusan kung ‘di ka dito magtatrabaho? Of course we will assist you but we will have to determine who will stay and who will serve the country,” dagdag ng senador.
Nilinaw naman ng mambabatas na hindi niya pinipigilan ang mga graduate ng health courses na mangibang bansa dahil ito ay kasama sa kanilang mga karapatan.
Kaya naman, para sa senadora, dapat bumalangkas ang mga ahensiya ng gobyerno ng mga paraan upang mapaganda ang working environment at maging competitive ang suweldo ng mga doktor, nurse, midwife, physical therapists at maging occupational therapists sa bansa.
Binigyang-diin ni Cayetano na mahalaga ang edukasyon at dapat maging accessible ito para sa lahat at ito ang layunin ng Doktor Para sa Bayan Law bukod sa pagtatatag ng Medicine Schools sa bansa.
Iminungkahi ng senadora na magsagawa ng interviews ang mga ahensiya ng gobyerno na responsable sa pamamahagi ng scholarships upang matukoy ang mga estudyante na handang maglingkod sa bansa at bigyan sila ng priority sa libreng pag-aaral.
Sa datos ng Department of Health, aabot sa P3.5 billion ang gastusin ng mga State Universities and Colleges para sa training, reintegration, salaries and benefits ng mga mag-aaral bilang doktor, nurse, midwife, med tech, at iba pang healthcare workers mula 2020 hanggang 2024.