Nation

MEDICAL SCHOLARSHIP BILL LUSOT NA SA KAMARA

/ 12 August 2020

LUSOT na sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ang panukala para sa pagkakaloob ng scholarship sa mga kuwalipikadong estudyante sa medisina.

Sa botong 245 na pabor at walang tumutol, aprubado na sa 3rd and final reading ang House Bill 6756 o ang proposed Medical Scholarship and Return Service Act.

Ayon kay Cagayan de Oro City Rep. Rufus Rodriguez, isa sa mga author ng panukala, inaasahang magiging sagot ito sa kakulangan ng mga doktor sa rural areas, lalo na sa mga panahon na kahalintulad ng Covid19 pandemic.

“It will open the opportunity for poor but deserving students to pursue a degree in medicine and serve their communities in the countryside,” pahayag ni Rodriguez.

Alinsunod sa panukala, ang isang aplikante para sa medical scholarship and return service program ay kinakailangang isang Filipino citizen, graduate o graduating student ng prerequisite course para sa medicine degree, pasado sa entrance examination at nakatugon sa lahat ng requirements sa state university o private college na nais nitong pasukan.

Dapat ding may  sapat na iskor sa national medical admission test na minamandato ng Commission on Higher Education at cut-off na itinatakda ng state o private school kung saan ito mag-aaral.

Nakasaad sa panukala na may isang scholar sa bawat bayan o munisipalidad sa buong bansa.

Kung wala namang kuwalipikado sa isang bayan, magdaragdag ng scholar mula sa kalapit na munisipalidad.

Alinsunod din sa panukala, obligado ang isang graduate ng medical scholarship na magsilbi ng apat na taon sa government health facilities.

Kasama sa ipinapanukalang financial assistance ang tuition at iba pang school fees, allowance para sa mga libro, equipment, supplies, dormitory, clothing, at transportation, bayarin para sa internship at medical board review, at iba pang miscellaneous at living expenses.

Sa kanyang explanation of vote, sinabi ni Kabataan Partylist Rep. Sarah Jane Elago na napapanahon ang hakbang lalo na’t walong state universities and colleges lamang ang nagbibigay ng degree sa medisina.

Binigyang-diin pa ni Elago na marami sa mg medical student ang nasa mga pribadong paaralan na ang tuition ay nasa P100,000 hanggang P200,000.