Nation

MEDICAL FUND PARA SA TEACHERS NA TATAMAAN NG COVID19

/ 1 August 2020

DAPAT magkaroon ng medical fund ang gobyerno para sa mga gurong tatamaan ng Covid19 sa gitna ng pagtupad nila sa tungkulin sa ipatutupad na alternative learning system sa gitna ng pandemya.

Ayon kay ACT Teachers partylist Rep. France Castro, isa ito sa kanilang walong demand para matiyak ang ligtas na pagsisimula ng klase sa August 24.

Sa kanyang privilege speech sa Kongreso, inihayag ni Castro na maraming mga guro ang nangangamba kung paano sila makapagpapagamot sakaling tamaan ng virus sa tuwing sila ay magtutungo sa kanilang mga paaralan.

Kinumpirma ni Castro na simula pa noong Hunyo ay may mga guro nang nagre-report sa kanilang mga paaralan para sa preparasyon ng pagbubukas ng klase.

Katunayan, sinabi ni Castro na may ilang mga guro na mula sa Metro Manila ang nagpositibo sa virus at sumasailalim sa self-quarantine.

Bukod dito, hinihiling ng kongresista sa gobyerno ang pagkakaroon ng health check and screening sa mga guro upang matiyak ang maayos nilang kalusugan.

Idinagdag pa niya na dapat ding isama sa targeted testing ang mga guro at school personnel, lalo na ang mga may pre-condition tulad ng hypertension, diabetes at iba pang sakit at tiyakin na magkakaroon ng sick leave with pay ang mga guro na magkakasakit.

Pinareresolba rin ng mambabatas sa gobyerno ang pagkakaroon ng ligtas at accessible na transportasyon, partikular ang pagbibigay ng school service hanggang hindi pa maaasahan ang mga pampublikong sasakyan.

Itinutulak din ni Castro na dapat tiyakin ng Department of Education na may health sanitation facilities sa bawat paaralan, libreng face mask, hygiene kits at personal protective equipment.

Muli ring iginiit ng kongresista ang kanilang panukala na pagkalooban ng P1,500 kada buwan na internet allowance ang mga guro upang hindi na makadagdag sa pasanin ng mga ito ang load para sa kanilang internet connection.

“Hindi tayo papayag na basta na lang isuko ng gobyerno ang mandato para sa ligtas at dekalidad na edukasyon at dapat na pagkalooban ng maximum protection ang ating mga guro,” pahayag pa ni Castro.