MEDIA KATUWANG NG DEPED SA DISTANCE LEARNING
NILAGDAAN na ng Department of Education at ilang stakeholders ang memorandum of agreement para sa pag-eere ng DepEd TV sa mga TV network noong Setyembre 30.
Katuwang din ng DepEd ang Presidential Communications Operations Office sa ilalim ni Sceretary Martin Andanar sa pagpapatupad ng distance learning para sa school year 2020-2021.
Kabilang sa mga TV network na pumirma sa kasunduan ang IBC13, PTV4 at ICS sa ilalim ng PCOO, Streamtech Planet Cable, GSAT, Philippine Cable and Telecommunications Association, Inc., Cignal, Gracia Telecoms and League of the Municipalities of the Philippines, Solar at Sky Cable.
Bagaman sanay ang kagawaran sa pagtuturo, sinabi ni DepEd Secretary Leonor Briones na mayroon pa ring kailangang pag-ibayuhin sa curriculum dahil sa distance learning.
“Maski sabihin namin na alam namin, kabisado namin ang content ng ating curriculum, kailangan namin na i-enhance ‘yung pag-communicate ng content ng curriculum na iyan dahil iba ‘yung magtuturo ka sa harap ng mga bata at tsaka iba ‘yung nagtuturo ka sa harap ng screen at alam nating ibang-iba talaga ang sitwasyon, so kailangan nating i-upskill,” wika ni Briones matapos ang paglagda sa memorandum.
Dagdag pa niya, gumawa ng paraan ang kagawaran para hindi matigil ang pag-aaral ng mga estudyante kahit pa may pandemyang kinakaharap ang bansa.
“Walang sakuna, walang trahedya, walang disaster na makatitigil sa pag-share, pag-transmit, pagturo sa ating mga kabataan,” dagdag ni Briones.
Samantala, sinabi ni Paolo Bediones, head trainer ng mga teacher-broadcaster na saludo siya sa mga ito at laking pasasalamat niya sa mga guro dahil sila mismo ang gumagawa ng kanilang mga script at production.
Dagdag pa niya, nagsagawa na ng dry-run ang IBC13 upang maipakita sa mga estudyante at magulang ang magiging takbo ng DepEd TV sa pagbubukas ng klase.
Nagpasalamat naman ang kagawaran kay Bediones at sa iba pang broadcasters mula sa iba’t ibang network na nag-alok na tumulong sa mga guro upang makapagsagawa ng maayos na pagtuturo sa ilalim ng DepEd TV.
Ayon kay DepEd Undersecretary Diosdado San Antonio, tuloy-tuloy at sigurado na talaga ang edukasyon sa taong 2020-2021 ngayong pirmado na ang MOA.