Nation

MAYOR BELMONTE NAMAHAGI NG MGA GAMIT PANGKUSINASA TESDA GRADUATES

/ 26 January 2021

NAMAHAGI ng mga gamit pangkusina si Quezon City Mayor Joy Belmonte sa 100 residente ng lungsod na nagsipagtapos ng technical-vocational couse.

Kasama ang ilang opisyal mula sa Technical Education and Skills Development Authority-QC District at QC Skills and Livelihood Foundation Inc., ang alkalde ay namahagi ng  mga kagamitan sa pagbe-bake tulad ng oven.

Ang 100 residenteng nagsipagtapos ng baking at bread at pastry  making na nagawaran ng NC II certificate ay mula sa Barangay Sta. Lucia, UP Campus, Libis, Bungad at Payatas.

Hinimok ni Belmonte ang mga nagsipagtapos na sumali sa QC Small Business and Cooperatives Development and Promotions Office upang mabigyan ang mga ito ng tamang kaalaman tungkol sa pagnenegosyo.

“Maaari rin silang maging bahagi ng #GrowQC program ng lungsod, kung saan ang mga bine-bake nilang masusustansiyang tinapay ay bibilhin ng lungsod at isasama sa mga ihahain sa feeding program para sa mga batang wasted at malnourished,” sabi ng Quezon City government sa opisyal na Facebook page nito.

Samantala, pinangunahan din ni Belmonte and paglulunsad ng ‘Sanayang Bus’ na layong makapagbigay ng short courses sa pagluluto at computer electronics para sa mga residente ng QC na nasa mga liblib na lugar.