MAY BANTA PA RING CHILD ABUSE AT VIOLENCE SA DISTANCE LEARNING — DEPED
NAGLATAG ang Department of Education ng mga hakbangin upang maprotektahan ang mga bata mula sa mga pang-aabuso at karahasan habang sumasailalim sa distance learning sa gitna ng pandemya.
Sa lingguhang virtual ‘Handang Isip, Handa Bukas’ press conference, sinabi ni DepEd Undersecretary for Legal Affairs Josephine Maribojoc na vulnerable pa rin sa bullying at iba pang anyo ng child abuse, violence at exploitation ang mga bata na sasailalim sa home-based at online learning.
“May mga panganib po at banta sa kaligtasan ng bata sa home-based learning, nariyan ang corporal punishment o marahas na pagdidisiplina, maaari ring dulot ng pagkaubos ng pasensiya, halimbawa ng mga magulang o kasama sa bahay na nagtuturo sa bata lalo na kung marami rin pong ginagawa o pinoproblema ang ating mga magulang sa panahon ng Covid19 at hindi rin sila masyadong bihasa sa positive discipline o sa ‘di marahas na pagdidisiplina. Maaari ring ‘yung mga bata dahil nagtatrabaho ang kanilang mga magulang o ‘di kaya ay nasa isolation dahil sa Covid19, maaar ring magkaroon ng child labor dahil sa hirap ng buhay ngayong panahon ng pandemya,” paliwanag ni Maribojoc.
“Sa online learning naman po maaar ring makaranas ang mga bata ng cyber bullying o masangkot sa pornography o online sexual abuse and exploitation o mabiktima nung tinatawag natin na online predators,” dagdag pa niya.
Upang matugunan ang banta at panganib sa pang-aabuso at karahasan sa mga bata, bumuo ang Kagawaran ng supplemental policy on child protection sa konteksto ng learning continuity plan.
“Ito po ay isang department order na dadagdag sa mga probisyon ng child protection policy upang tugunan ang mga risk at reality na maaari pong maranasan ng mga bata sa home-based learning,” sabi ni Maribojoc.
Nagsagawa rin ang ahensiya ng mga consultation meeting kasama ang mga opisyal ng central office, sa regional offices, division offices at guidance counselors sa mga public at private school, non-government organization at international organization, ibang ahensiya ng gobyerno at local government units, mga magulang at mag-aaral.
“Sa kasalukuyan po nasa finalization stages na ang ating supplemental policies at layunin natin na mailunsad na ito sa nalalapit na panahon,” sabi ni Maribojoc.
Nagsagawa rin ng webinars ang ahensiya hinggil sa child protection policy.
“Mamamahagi rin tayo ng materials on positive discipline and education sa mga magulang at mag-aaral,” wika ni Maribojoc.