Nation

MAS MALAWAKANG SUPORTA SA MENTAL HEALTH IPINANAWAGAN NG SENADOR

/ 6 September 2020

HINILING ni Senador Bong Go sa mga ahensiya ng gobyerno na palawakin ang free mental health care at psychosocial support services ngayong panahon ng Covid19 pandemic.

Kasabay nito, pinuri ng senador ang mga hakbang ng Department of Education sa pagbibigay ng patnubay at suporta sa mga guro, magulang at estudyante na nahihirapan sa gitna ng krisis na kinakaharap ng bansa.

Kasunod na rin ito ng ulat hinggil sa pagpapakamatay ng isang estudyante dahil sa hirap dulot ng pandemya.

Sa ulat ng DepEd, noong Hulyo, sinimulan nila ang serye ng psychosocial support at training sa mga magulang at guro, kasama ang mga school head at non-teaching personnel upang ihanda sila sa pagbubukas ng klase.

Nakipagtulungan ang kagawaran sa Save the Children at sa isang telecom company sa paglulunsad ng ‘Gabay Bahay: An Online Parenting Series’ upang matulungan ang mga magulang sa kanilang virtual role sa online learning.

Nagbigay rin ito ng online training sa pagkakaloob ng remote psychological first aid sa mga mag-aaral, secondary teachers, school heads at non-teaching personnel.

“In this time of pandemic, we should ensure that mental health is valued, promoted and protected. Aside from physical health, ‘yung mental health ay napaka-importante. Marami pong nade-depress dahil sa sitwasyon ngayon. In fact, mayroong documented case na ng isang batang estudyante na nagpakamatay dahil sa hirap na dala ng pandemya. Ayaw na nating madagdagan ito,” pahayag ni Go.

“Alagaan din natin ang mga nag-aalaga sa ating mga kabataan—sila ang mga guro at school officials. Kung maayos ang kanilang mental health condition, mas magagampanan nila ang kanilang mga trabaho. Itinuturing pa naman nating pangalawang magulang ang mga guro ng ating mga anak,” dagdag pa ng senador.

Binigyang-diin din ni Go na may pandemya man o wala, mahalaga ang mental health kaya dapat tiyakin ng pamahalaan na naibibigay ang lahat ng uri ng psychosocial services at assistances sa publiko.

“Ang mental health issue ay hindi lang naman tungkol sa mga nag-suicide. Worst case na iyan. Karamihan sa mga mental health concern natin ay ang anxiety, stress and depression caused by the pandemic. Dahil hindi na nakakalabas ng bahay, marami ay nalulungkot. Marami ang nawalan ng trabaho, hindi alam kung saan kukunin ang pambili ng pagkain, mga gamit sa blended schooling, katulad ng laptop, at pambayad sa tuition,” sabi pa ni Go.