Nation

MARIKINA NAGDEKLARA NG ACADEMIC BREAK

/ 15 January 2022

NAGDEKLARA ng academic health break ang pamahalaang lokal ng Marikina mula Enero 17 hanggang 29 sa lahat ng antas ng pampubliko at pribadong paaralan sa lungsod.

Naitala nitong Huwebes ang 34,021 na daily active cases sa bansa na may positivity rate na 47.2 percent, ang pinakamataas na tala mula nang magsimula ang pandemya.

“At dahil sa maraming nagkakasakit na mga bata, guro at kanilang kaanak sa Lungsod ng Marikina, minabuti na magdeklara ng isang academic health break na magsisimula sa January 17 hanggang January 29, 2022 alinsunod sa provision ng Section 16-General Welfare Clause ng Local Government Code,” sabi ni Marikina Mayor Marcy Teodoro.

“Sa kadahilanan ng public health emergency na ito, mainam na mabigyan ng pagkakataon ang bawat pamilyang taga-Marikina na makatuon sa pagpapagaling ng kanilang karamdaman, makapagpahinga, makapagquarantine at maasikaso ang kanilang mga pangangailangan sa mga panahon na ito,” dagdag pa ni Teodoro.

Inaabisuhan din ang lahat ng antas sa mga pribado at pampublikong paaralan sa buong lungsod na huwag munang magsagawa ng online o face- to-face classes at magbigay ng mga gawaing bahay sa kanilang mag-aaral habang epektibo ang nasabing health break.

“Tinatagubilin na bawasan muna ang paglabas sa inyong bahay, maliban lamang kung essential o lubhang mahalaga ang lakad at gawain,” ani Teodoro

“Pinapananalagin namin na kayo po ay laging ligtas at mabuti parati ang kalagayan,” pagwawakas ng alkalde.