MARIKINA LG NAMAHAGI NG ENDORSEMENT LETTER SA INCOMING PLMAR STUDENTS
MULING namahagi ng endorsement letter ang pamahalaang lungsod ng Marikina para sa incoming students ng Pamantasan ng Lungsod ng Marikina.
Humigit-kumulang 400 incoming college students pa ang nabigyan ng pagkakataong makakuha ng entrance examination.
“Dahil sarado na ang admission, mahalaga ang Endorsement Letter na ito dahil ito ang hahanapin sa inyo ng PLMar upang kayo ay mapagbigyan sa inyong appeal na makapag-entrance exam. Nais natin na ang lahat ay mabigyan ng pagkakataon kaya binuksan ko ang aking tanggapan para sa mga appeal ninyo. Sana ay makapasa kayong lahat,” ayon kay Congresswoman Maan Teodoro, na itinalaga bilang Head of Special Admission ng nasabing pamantasan.
“Mahalaga ang pag-aaral dahil ito lamang ang sandata na maibibigay naming mga magulang sa inyo. Hangad ko na makapagtapos kayo sa pamantasan na itinayo ng Marikina para sa inyo,” ani Congresswoman Teodoro.
“Ngayon ay tinatamasa na natin ang dekalidad at libreng edukasyon na prayoridad at isinakatuparan ni Mayor Marcy nang nanungkulan siya bilang Punong Lungsod. Sana ay pagyamanin ninyo ang pagkakataong ito,” dagdag pa ng kongresista.
Nagkaroon din ng pagkakataon ang mga incoming college student na isangguni sa kongresista ang kanilang mga agam-agam sa buhay kolehiyo. Buong puso namang nagbahagi ng payo at kanyang naging karanasan sa kolehiyo ang mambabatas.