MARAMI PANG ESTUDYANTE ANG MALALASON ANG ISIP, MASISIRA ANG KINABUKASAN — NICA DG
NAGBABALA si National Intelligence Coordinating Agency director-general Alex Paul Monteagudo na mas marami pang estudyante ang mahihikayat at mapapahamak sa pagsanib sa rebeldeng grupo kung hindi maaaksyunan ang patuloy na recruitment ng front organizations.
“Kung ‘di po namin isisigaw ang katotohanan tungkol sa CPP-NPA-NDF at ang kaugnayan ng representatives ng Makabayan bloc sa teroristang grupong ito, marami pa pong kabataan ang malalason ang isip, masisira ang kinabukasan at mamamatay nang walang kabuluhan,” pahayag ni Monteagudo sa pagpapatuloy ng pagdinig ng Senado sa isyu ng red-tagging.
Sinabi ni Monteagudo na panahon nang i-expose ang sinasabing ugnayan ng Makabayan bloc at Communist Party of the Philippines kasabay ng pagbanggit sa pagkamatay ng anak ni Bayan Muna Rep. Eufemia Cullamat na si Jevilyn.
“Walang ipinanganak na rebelde. Ang mga kabataang ito ay nagsimula lang bilang mga aktibista at kalaunan ay naging rebelde… Sino ang nag-uudyok sa kanila? Walang iba kundi ang front organizations ng CPP-NPA-NDF. Kagaya ng Bayan, Anakbayan, at iba pa,” diin ni Monteagudo.
“Sina Rochelle at Jevilyn ay kabilang na ngayon sa mahabang listahan ng mga kabataang nasawi dahil sa walang saysay at madugong ideolohiya na itinuturo ng Makabayan bloc representatives at ng CPP-NPA-NDF,” dagdag pa niya.
Bago ang pahayag, humiling muna si Monteagudo ng sandaling katahimikan para sa kina Jevilyn, 22-anyos, at Rochelle Mae Bacalso, 21, na kapwa nasawi sa engkwentro.
Hinamon naman ni dating Bayan Muna Rep. Teddy Casiño ang militar na tukuyin kung sino ang kanilang mga na-recruit bilang NPA member.
“’Yun ang problema, Mr. Chair. Wala naman silang pruweba na inudyukan namin… Ang itinuturo namin ‘yung katotohanan, eh. We need nationalism, we need to defend human rights, we need to uphold our democratic values. ‘Yan po ang laman ng aming plataporma at programa sa Bayan at Bayan Muna. Masama ba ‘yun? Pag-uudyok ba ‘yun?” diin ni Casiño.
“Show us! Sino bang NPA ang na-recruit ko? Sino bang NPA ang na-recruit ni Neri Colmenares? ni Congressman Antonio Tinio?” tanong pa niya.