MANDATORY ROTC TARGET IPATUPAD SA SUSUNOD NA TAON
POSIBLENG sa susunod na taon ay maumpisahan na ang pagpapatupad ng Mandatory Reserved Officeres Training Corps sa kolehiyo.
Ito ang sinabi ni Senador Ronald ‘Bato’ dela Rosa matapos ang huling pagdinig ng kanyang subcommittee kaugnay sa mga panukalang pagbabalik ng mandatory ROTC.
Target ni Dela Rosa na maisponsoran na sa plenaryo ng Senado ang committee report bago pa mag-adjourn ang Kongreso sa Marso.
Kumpiyansa naman si Dela Rosa na aaprubahan ng mga kapwa niya senador ang isinusulong na panukala at kalaunan ay lalagdaan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Nilinaw rin ng senador na maaaring bumaba pa ang P20 bilyong alokasyong hinihingi ng Department of National Defense para sa implementasyon ng mandatory ROTC.
Ito ay dahil may clustering program na isinasaayos ang DND at Commission on Higher Education upang mabawasan ang mga kailangang personnel na magpapatupad ng mandatory ROTC.
Muli ring binigyang-diin ni Dela Rosa na walang exemption sa panukalang batas at sa halip ay mabibigyan lamang ng ibang programa tulad sa disaster response.