Nation

MANDATORY RECYCLING NG MGA PAPEL SA MGA PAARALAN ISINUSULONG

/ 24 October 2020

ISINUSULONG ni Senador Ramon ‘Bong’ Revilla, Jr. ang pag-oobliga sa lahat ng paaralan na i-recycle ang mga papel at iba pang materyales na ginagamit sa kanilang araw-araw na operasyon.

Sa Senate Bill 696 o ang proposed Recycle Waste Act,  sinabi ni Revilla na mayorya ng problema sa kalikasan sa bansa ay dahil sa mga aktibidad at pagpapabaya ng tao.

“The Philippines is suffering from the degradation of the natural environment. It has 50 major rivers now polluted because of abuse and neglect. Approximately two-thirds of the country’s mangroves have been lost. In one century, we had cut down close to 97% of our original forests,” pahayag ni Revilla sa kanyang explanatory note.

Binigyang-diin ni Revilla na marami pang environmental issues sa bansa tulad ng climate change, high risk for agriculture and food security at waste management problems.

Sa gitna nito, sinabi ng senador na may mga hakbangin na kailangang gawin ang taumbayan at ang edukasyon ang unang hakbang para makahanap ng solusyon.

Batay sa panukala, lahat ng paaralan ay oobligahing gumamit ng papel at iba pang materyales na may 15 percent recycled material sa lahat ng proyekto at aktibidad.

Kailangan ding isama ng Department of Education at ng Commission on Higher Education, sa pakikipagtulungan sa Department of Environmental and Natural Resources, sa school curriculum ang recycing.

Mandato rin ng DepEd alinsunod sa panukala ang implementasyon ng komprehensibong multi-material recycling program.

Sa sandaling maging batas, ipalalathala sa DepEd ang lahat ng mga paaralang hindi susunod sa mga probisyon nito.