MANDATORY NUTRITION PROGRAM PARA SA SCHOOL CHILDREN ISINUSULONG
IPINANUKALA ni 1Pacman Partylist Rep. Michael Romero ang pagbalangkas ng komprehensibong National Nutrition Program para sa mga batang mag-aaral.
Sa kanyang House Bill 4697 o ang proposed National Nutrition Act, sinabi ni Romero na mahalaga ang nutrition program upang matiyak ang pangangalaga hindi lamang sa pisikal kundi maging sa moral, spiritual, intellectual at social well-being.
Layon din ng panukala na malunasan ang malnutrisyon sa bansa.
Kasama sa programa ang pagbuo ng national food and nutrition policies and strategies bilang policy, coordinating and advisory body.
Nakasaad din sa panukala ang pagbuo ng mandatory nutrition program para sa mga kabataan at schoolchildren kung saan maglalaan ng minimum budget per meal at ang lokal na pamahalaan ang tutukoy ng lugar kung saan magsasagawa ng feeding program.
Mandato naman ng Department of Education, katuwang ang Department of Social Welfare and Development, na tukuyin ang mga estudyanteng dapat na maisama sa programa.
Imomonitor din ng DSWD at DepEd ang kalusugan ng mga estudyante bago at pagkatapos ng mga feeding program.
Pangungunahan din ng DepEd at DSWD ang pagsasagawa ng health at nutrition education sa mga pamilya habang ang mga paaralan ay magbibigay ng nutrition, proper grooming at hygiene counseling.
Kung magiging ganap na batas, maglalaan ng pondong P500 million para sa pagpapatupad ng programa.